Bagong Taon sa bahay muling iginiit ni GMA

MULI na namang tinangka ng mga abogado ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo na payagan ang kanilang kliyente na makapagdiwang ng pagsalubong sa Bagong Taon sa kanilang bahay sa La Vista, Quezon City.

Bukod sa hiling na makauwi sa Bagong Taon, iginiit din nina Atty. Jose at Jay Flaminiano sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) na magkaroon ng pagdinig kaugnay naman sa kanilang mosyon na makapaglagak ng piyansa si Gng. Arroyo.

Gayunman, sinabi ni Atty. Felda Domingo, legal researcher sa sala ni Judge Jesus Mupas ng Branch 112 na hindi na makapagdaraos ng pagdinig kaugnay sa alinmang mosyon dahil nakabakasyon ang hukom maging ang pairing judge na dapat ay magiging kapalit ng nakabakasyong hukom.

Iginiit ng mag-amang Flaminiano na noong Lunes pa nila inihain ang motion for partial reconsideration kaugnay sa hiling na makapagdaos ng pagsalubong sa Bagong Taon ang kanilang kliyente matapos ibasura ang una nilang hirit na makapagdaos ng Pasko at Bagong Taon sa bahay si Gng. Arroyo kaya’t umaasa sila na magkakaroon ng pagdinig dito, maging sa hirit nilang makapaghain ng kaukulang piyansa ang kanilang kliyente.

Napag-alaman na noon pang Disyembre 26 naghain ng leave of absence si Judge Mupas at nakatakda siyang bumalik sa trabaho sa Enero 6. Maging ang kapalit niyang hukom o pairing judge na si Judge Caridad Grecia-Cuerdo ng Branch 113 ay nakabakasyon din kaya hindi naaksiyunan ang hirit ng kampo ni Arroyo.

Nilinaw pa ni Atty. Domingo na ang hirit ng abogado ni Arroyo ay kanilang inihain sa pamamagitan ng “prayer” na nangangahulugan na nakasalalay lamang sa hukom kung pagbibigyan o hindi ang kanilang kahilingan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply