Baha gawan ng paraan, mga biktima tulungan

HINDI sapat na tuwing may kalamidad na sanhi ng baha ay tumatakbo tayo para tulungan ang mga biktima.

Sapagkat ang isang maliit na lata ng sardinas, isang supot ng bigas, isang noodles, isang itlog, isang hopia, isang bote ng tubig ay pawang mga panandaliang tulong lamang.

Pang-isang araw lamang ito at saglit lamang na pampawi ng gutom para sa isang pamilya sa isa o dalawang kainan.

Ang dapat na gawan ng paraan ay ang mga suliraning talaga namang sobrang bigat sa mga biktima ng kalamidad.

At ang mga paraan na mabawasan, kung hindi ganap na mababaka, ang pagkakaroon ng kalamidad.

KAMATAYAN

Pinakamasakit na kinahaharap ang kamatayan ng mga biktima.

Lalo na kung ang mga nasasawi ang siyang sandalan sa buhay ng mga pamilyang biktima.

Siyempre, masakit ang mamatayan ng sinoman na miyembro ng pamilya.

Ngunit kakaiba ang pagpanaw ng haligi ng pamilya.

Isang tanong dito ang: gaano katagal bago magiging normal ang buhay ng mga naiiwanan ng mga haligi ng pamilya?

Isipin pang nawawasak ang mga pamilyang naiiwanan ng mga ito.

Ano-ano ngayon ang mga dapat na itugon dito?

PAGLILIBING

Sa mga lalawigan, lalo na sa mga barangay, hindi gaanong mapaghanap ang mamamayan.

Sapat nang maayos na mailibing ang kanilang mga patay.

Ngunit may mga nagsasamantala naman.

Lalo na kung humalo ang interes ng mga punerarya.

Dito nagiging mahirap ang kalagayan ng mga pamilya.

Anak ng tokwa, kung ano-ano ang mga pakulo ng mga punerarya para sila magkasalapi sa mga patay.

Pupuwede bang makialam sina mayor sa mga raket ng punerarya?

Kahit na ang mga punerarya ay pag-aari pa ng mga opisyal ng pamahalaan.

DEPOSITO SA MGA BANGKO

Sa deposito o ipon sa mga bangko madalas na nagkakaroon ng matinding pag-iyak sa bahagi ng mga biktima.

Hindi kaila, mga Bro, sa mga namamatayan ang kanilang mapapait na karanasan sa mga bangko na pinaglalagakan nila ng kanilang mga pinagpapawisan.

Kung gaano kabilis ang mga bangko sa pagtanggap ng mga deposito, ganito rin sila kakunat sa pagre-release ng claim sa mga deposito.

Ang daming rekisitos na pinagdaraanan ng mga biktima bago nila makuha ang mga ipon nila riyan.

Marami nga ang nakararanas ng pagkaubos ng kanilang munting ipon sa mga pamasahe, affidavit, publication at iba pang gastusin sa pag-claim.

Dapat na magawan ng paraan ang halos ayaw nang pagbibitiw ng mga bangko sa mga pumapasok sa kanila na mga deposito.

Bukod sa magastos ang pag-claim, siyam-siyam ang inaabot nito.

Siguro dito papasok ang mga kinauukulan.

Paano gagawa ang mga kinauukulan ng mga batas at patakaran upang mabilis na mai-withdraw ng mga biktima ang kanilang mga deposito para panghabol nila sa kanilang mga pangangailangan?

HANAPBUHAY HINDI LIMOS

Kung kailangang bigyan ng limos ang mga biktima, dapat ibigay ang mga ito sa kanila.

Ngunit habang inaalalayan sila sa kanilang gutom, ginaw at paglilibing ng kanilang mga namatay na mahal sa buhay, dapat bigyan sila ng kanilang pagsisimulan.

Para sa mga umaasa lamang sa paghahayupan at pagtatanim, anim na buwan ang pinakamaigsing panahon bago sila ulit makababangon.

Sa pag-aalaga lamang ng baboy o manok, mga Bro, saka na lang magkakaroon ng pagkakataon na kumita ang mga biktima na magsisimula sa ikaanim na buwan.

Ganito rin ang bahagi ng mga magsasaka.

Apat na buwan ang panahon ng pagtatanim, pag-aararo hanggang sa pag-
aani.

Ang mga umaasa naman sa pagbebenta ng lakas paggawa ay karaniwang tumatanggap ng kanilang pinagpaguran sa loob ng 15 hanggang 30 araw.

Ang mga nasiraan naman ng kaunting puhunan na kanilang ikinabubuhay, paano ang pagpapautang sa mga ito?

Ngayon, mga Bro, ano-ano na ang inihahanda ng mga kinauukulan sa lahat
ng ito?

P1.5M NA TULONG KAPOS NA KAPOS

Sinasabi ng Department of Social Welfare and Development na naglaan na sila ng P1.5 milyon na pantulong sa mga biktima.

Whaaaat?

Anak ng tokwa, ang liit-liit niyan.

Ano ang nangyari sa P21 bilyon na budget ng DSWD para sa buong taon ng 2011?

Nasa 600 katao ang nasawi at libo-libo ang nasalanta, P1.5M lang ang bibitiwan ng DSWD?

Siyempre, naiintindihan natin na may mga parte ang mga lokal na pamahalaan sa pagkandili sa mga biktima.

Dito nila dapat gamitin ang kanilang 5 porsyento na calamity fund.

Mayroon ding mga congressman na dapat na kumilos at mayroon ding ibang mga ahensiya ng pamahalaan na dapat tumulong.

Pero sa katotohanan, dahil sa kakunatan ng DSWD, gutom ang ikinabubuhay ng nakararami sa mga biktima.

AKSYON NI PNOY

Kay PNoy na lang tayo makaaasa ng tamang tugon.

Sabi ng mahal na Pangulo, lahat ng biktima ay dapat na tulungan.

Walang maiiwanang mabubuhay sa gutom at dapat na magkaroon sila lahat ng pag-asa na muling makabangon sa buhay?

Salamat kung ganun sa paggampan ng iyong tungkulin.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply