Barbero tinaga dahil sa masagwang gupit

DAHIL sa masagwang gupit, isang pastor na suma-sideline na barbero ang pinagtataga hanggang sa mapatay ng kanyang kostumer sa Iloilo kaninang umaga.

Dead on arrival sa Calinog District Hospital sanhi ng tinamong taga sa leeg, kanang tainga at likod ang biktimang si Charlie Agustino residente ng Tapaz, Capiz.

Nakakulong na ngayon sa Calinog PNP at sasampahan ng kasong murder ang suspek na si Benjie Lozada, 36-anyos residente ng Barangay Tuyungan, Calinog.

Ipapasuri rin umano ng pulisya si Lozada sa isang mental institution sa Iloilo dahil nakitaan ito ng mga senyales na may diperensya sa pag-iisip.

Sa ulat ni SPO1 Elmer Sanchez ng Calinog PNP sa PNP Headquarters sa Camp Carme, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa isang barber shop na nasa loob ng Calinog public market.

Bago ito, nabatid na nagpagupit ang suspek pero dahil hindi nagustuhan ang pagkakatabas ng kanyang buhok ay sinita nito ang biktima.

Depensa naman ng biktima na sinunod lamang niya ang gustong gupit na inutos sa kanya ng suspek na nagbayad agad at umalis sa barber shop.

Ilang minuto lamang ay bumalik ang suspek na may dala ng taga at pinagtataga ang biktima.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply