Benepisyo napunta sa pintura

UMIIYAK na sa inis laban kay Mayor Fred Lim ang may ilang-daang empleyado ng Manila City Hall dahil sa muling pagkakataon ay muli na naman silang nabokya sa hinihintay nilang performance enhancement bonus at financial assistance na umabot na sa halagang P30,000 kada empleyado.

Ang financial assistance program para sa mga empleyado ng Manila City Hall ay nagsimula sa unang termino pa lang ni Mayor Lim.

Ito’y pinagtibay ng Konseho ng Maynila sa pamamagitan ng isang ordinansa.

Samantalang ang performance enhancement bonus ay benepisyo sa lahat ng government employees na itinakda naman ni Pangulong Aquino sa pamamagitan ng isang executive order.

Ngunit ni isang kusing ay walang napala ang mga empleyado ng Manila City Hall mula sa dalawang benepisyong ito.

Sa halip, puro pakiusap at pangako ang narinig nila dahil wala daw sapat na pondo ang lungsod.

Kundi man daw pangako ay may mga proyektong kailangang unahin at pagkagastusan.

Katulad halimbawa nitong nakaraan, paliwanag sa kanila ay kinakailangang gastusan agad ang pagpapapintura sa lahat ng playground sa buong Maynila.

Napag-alaman daw kasi na kontaminado ng nakalalasong kemikal na lead ang mga pintura na unang naipahid sa mga laruan sa bawat plasa.

Delikado daw ang mga ito lalo na sa mga batang nagsisilaro doon!

Lehitimo ang paliwanag pero ang ipinagtataka ng mga empleyado ay kung bakit sa tuwing hihilingin nila ang kanilang mga benepisyo nila ay palaging may kaakibat na dahilan si Mayor Lim na dapat pagkagastusan agad ng lokal na pamahalaan?

Anila, mukhang sadyang ayaw lang ni Mayor Lim na ipagkaloob sa kanila ang dalawang benepisyo na ligal naman na ipinagkakaloob sa kanila ng batas.

Muli, tiyak na malaking katanungan na naman kung magkano ang guguguling salapi para sa pagpintura ng mga playground at kung kaninong kontraktor mapupunta ang proyektong ito.

Magkagayunman, nagpapasalamat pa rin sila kay Mayor Lim dahil naibigay naman daw nito ang P5,000 Christmas bonus at 13th-month pay ng mga empleyado na itinatadhana ng ating labor code.

* * *

Kung malungkot ngayong Kapaskuhan ang mga empleyado ng Manila City Hall, mas lalong malungkot naman ang mahigit sa 1,000 casual employees ng munisipyo ng Rosario, Cavite.

Ilang buwan na raw kasi silang hindi pinasusuweldo ni Rosario Mayor Nonong Ricafrente.

Puro pangako lang din daw ang ibinibigay sa kanila ni Mayor Ricafrente, ayon ito sa text na ipinadala ng isang apektadong casual employee.

Malaki raw ang naitulong nilang mga casual employee kay Mayor Ricafrente noong nakaraang eleksyon.

Naisip ko tuloy na maaring ito ang dahilan kaya ganoon karami ang casuals sa Rosario, Cavite.

Hintayin na lang natin ang paglilinaw dito ni Mayor Ricafrente.

oOo

Anomang reklamo. komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999433-3437; 0927847-3781 at 0922-4346131 o kaya’y email lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply