BFP nakaalerto hanggang Bagong Taon

PINANATILI ng Parañaque Bureau of Fire Protection (BFP) ang mataas na estado ng kahandaan sa panahon ng Kapaskuhan dahil sa probabilidad ng sunog dala ng pailaw at paputok (pyrotechnics); mababang-uring (sub-standard) Chistmas lights; “overloaded outlets” at “octopus connections..

Ayon kay Parañaque City Fire Marshal Supt. Manuel Manuel, patuloy ang ginagawang inspeksyon ng BFP sa mga establisimiyento alinsunod sa R.A. 9514 o Fire Code of the Philippines.

Pinaiigting din ng kawanihan ang pagpapalawak ng impormasyon hinggil sa prebensyon ng sunog, kasama ang payo sa mamamayan na gumamit na lamang ng ibang paraan sa pagsalubong sa Bagong Taon sa halip na paputok na taun-taon ay nagiging sanhi ng sunog, malalang pagkasugat at kamatayan.

Sa kaugnay na kaganapan, inatasan ng punong lungsod ang City Health Office na pag-ibayuhin nito ang pagsusulong ng programang “APIR-Aksyon: Paputok Injury Reduction” ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH).

Samantala, pinaghanda din ng lokal na punong ehekutibo ang Parañaque Emergency Response Unit (P.E.R.U.) at F.V. Bernabe, Sr. Memorial Hospital para sa posibleng “pyrotechnic injuries.”

Pinabubusisi rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa BFP ang mga pagawaan at tindahan ng paputok sa bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply