Bitay sa OFW sa China inapela

UMAPELA sa pamahalaang China ang mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na huwag ituloy ang bitay sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Disyembre 8 dahil sa kasong droga.

Ang ‘di pinangalanang OFW ay ikaapat na Pinoy na bibitayin sa China ngayong taon matapos na mahulihan ng may 1.495 kilo ng heroin sa Guangxi noong Setyembre 13, 2008 habang papasok sa Guilin International Airport mula Malaysia.

Ayon kay Father Edwin Corros, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People, magpapadala sila ng liham sa pamahalaan ng China para hilingin na i-commute na lang sa life sentence ang hatol na death penalty sa Pinoy ‘for humanitarian reason.’

Aminado naman si Corros na kailangang igalang ng Pilipinas ang batas na umiiral sa China na nagkataong nagpapatupad ng death penalty ngunit umaasa sila na pagbibigyan sila ng naturang bansa.

Sinabi ni Corros na labis silang nalulungkot dahil sa naturang pangyayari dahil tiyak na higit na maaapektuhan ng pagbitay sa OFW ang kanyang pamilyang maiiwan.

Ibinunyag pa ni Corros na bukod sa Pinoy na nakatakdang bitayin sa susunod na linggo, mahigit sa 200 OFW pa ang nakahanay sa death row sa naturang bansa.

Kasabay nito, nagpahayag rin nang pagkadismaya si Corros dahil mistula umanong walang ginagawa ang pamahalaan upang mabigyan ng oportunidad ang mga Pinoy na magtrabaho sa Pilipinas para hindi na matukso ang mga ito na mangibang-bansa at doon maghanap ng pagkakakitaan.

Hinimok rin nito ang mga OFW na sa kabila ng kahirapan ng buhay ay huwag matuksong gumawa ng masama para hindi maparusahan sa bansang kanilang kinaroroonan.

Matatandaang una nang binitay nitong Marso sina Ramon Credo, Sally Ordinario-Villanueva at Elizabeth Batain sa China na pawang naharap din sa kaso ng droga.

Samantala, hinihintay pa rin ni Pangulong Benigno Aquino III ang sagot ni Chinese President Hu Jintao sa kanyang ipinadalang sulat dito kahapon kaugnay sa kanyang apela na ma-commute ang sentensiya ng 35-anyos na Pinoy na nagpuslit umano ng mahigit 1.495 kilo ng heroin sa Guangxi, China.

Bukod dito, may go signal niya ang pagpunta ni Vice President Jejomar Binay sa China upang personal na pakiusapan ang Chinese government sa usaping ito.

Samantala, muling nagbabala naman si Pangulong Aquino sa mga Filipino na nagnanais na magpunta ng ibang bansa na maging maingat sa mga recruiter at alaming mabuti kung ano ang kanilang magiging trabaho sa ibang bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply