Bumibili ng torotot, dumarami; FDA nagbabala pa

DUMARAMI na ang mga taong ngayon pa lamang ay bumibili na ng torotot para gamitin sa pag-iingay sa pagsalubong sa Taong 2012.

Ito’y dahil ang torotot ang ginagamit na alternatibong noisemaker ng mga Pinoy sa Bagong Taon dahil sa pangambang mabiktima ng mga mapanganib na paputok.

Bunsod nito, muling nagpaalala ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga Pinoy na ang mga torotot ay mapanganib din, lalo na sa mga bata, dahil sa pagiging ‘choking hazard’ nito.

Sa isang health advisory, sinabi ng FDA na ilang uri ng torotot ay may maliliit na bahagi na maaaring malulon ng mga bata, partikular na ang pito nito.

Pinayuhan din ni FDA director Suzette Lazo ang publiko na tiyaking may kuwalidad ang bibilihing torotot at hindi madaling matanggal ang mga bahagi nito para matiyak na ligtas ito sa mga batang gagamit.

Iginiit ni Lazo na walang warning labels ang mga torotot at wala ring lisensiya mula

sa FDA ang gumagawa at mga distributor nito.

Pinayuhan pa ni Lazo ang publiko na sa halip na magpaputok at gumamit ng torotot ay maghanap na lamang ng ibang paraan upang makapag-ingay sa Bagong Taon tulad nang paggamit ng mga lata, kaldero at kaserola at iba pang mga bagay na maaaring gamitin upang makapag-ingay.

Nabatid na noong nakaraang taon, dalawang bata na nagkaka-edad lamang ng tatlo at walong taong gulang ang isinugod sa pagamutan matapos makalulon ng pito ng torotot na muntik pa nilang ikamatay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply