BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-94 labas

MABILIS na dinampot ni Glenna ang telepono.

Mula sa kaibigang pulis ang dumating na tawag.

Nakadidismaya ang kanyang balita.

“Sorry, Captain Monasterio. Nakalusot ang mga sus-pek. Hindi sila dumaan sa target area,” pag-uulat ni Captain Aragon.

Nanlalambot na ibinaba ng dalaga ang telepono.

“Bakit, ano ang sabi ng kausap mo?” tanong ni Joseph.

“Bigo ang mga kasamahan ko na mabawi ang iyong anak dahil hindi nila nahuli ang asawa mo at ang kanyang kalaguyo. Hindi sa NLEX sila dumaan,” sagot ng dalaga.

Tahimik na tumiim ang mga bagang ng lalaki.

“Huwag kang mag-alala. Ngayong wanted na sila, hindi titigil ang mga kasamahan ko hangga’t hindi sila naaaresto,” pampalakas ng loob na sabi ni Glenna kay Joseph.

“Wala na akong pakialam sa kanila pero ano ang kanilang dahilan para idamay sa kanilang problema ang anak kong si Angel?” tanong ng huli sabay hugot ng malalim na buntong hininga.

“Iisa lang ang nakikita kong dahilan,” sagot naman ni Glenna. “Pera at para gawing pananggalang ang iyong anak.”

Galit na napasuntok ang kanang kamay ni Joseph sa kaliwang palad.

Sa mga sandaling iyon, malayo na sina Bruce at Hazel.

Sa pagod ay nakatulog naman sa backseat ang batang si Angel.

Ibang sasakyan na ang kanilang gamit.

Nang-agaw ng ibang sasakyan si Bruce para hindi sila masundan ng mga pulis.

Delikado kasi na ma-trace sila sa pamamagitan ng plaka ng una nilang sasakyan na pinaniniwalaan niyang nakita sa pamamagitan ng CCTV camera na nakakabit sa lansangan.

“Kung matalino sila, tuso naman ako. Maghabol na sila ngayon sa tambol mayor,” nakangiting sabi ni Bruce habang nagmamaneho ng SUV.

At para tuluyang mailigaw ang mga pulis, hindi na patu-ngong north ang takbo nila kundi patungong south.

Nakalampas na nga sila ng South Expressway.

Patungong Quezon na ang takbo nila.

“Saan ba talaga tayo pupunta?” tanong ni Hazel sa lalaki.

“Samar!”

“Ang layo noon. Bakit doon?”

“Safe tayo kapag doon tayo nagpunta. Isa pa, naroon ang grupo. May makatutulong tayo laban sa mga gustong maghanap sa atin,” sagot ni Bruce.

Hindi na umimik si Hazel.

Napatingin ang lalaki sa rear view mirror.

Nakita niya ang tulog na si Angel.

“Tama lang na dinala natin ang anak mo,” nakangisi niyang sabi.

Kunot noong napatingin si Hazel sa kasuyo pero hindi nagsalita.

“Puwede natin siyang pagkaperahan at maging pananggalang,” patuloy ni Bruce.

“Ano ba ang pinaplano mo?” tanong ng babae.

“May pera na ang asawa mo, hindi ba? Ipatubos natin siya!”

“Hindi ako makapapayag na ibalik pa sa kanya ang aking anak!” sagot ni Hazel.

“Hindi natin siya ibabalik. Kapag nakuha na natin ang ransom money, muli natin siya bibitbitin paalis,” sagot naman ni Bruce.

Hindi kumibo si Hazel.

Si Joseph ang laman ng isipan.

Hindi niya akalain na nakakakita na ulit ang asawa.

May nararamdaman siyang panghihinayang na hindi niya maintindihan.

Imposible nang mangyari na mabuo ang kanilang pamilya pero hindi siya nawawalan ng pag-asa.

At ang anak na si Angel ang alas niya.

SA mga sandaling iyon, alam na ng mga pulis ang tunay na pagkatao ni Bruce.

Dati siyang sundalo na sangkot sa sindikato ng gun running.

Nang mabuko ang iligal nilang negosyo, nag-awol na sila para makaiwas na maaresto.

“Saan sa palagay mo naglulungga ang kanilang grupo?” tanong ni Captain Salgado kay Sarhento Sagato habang magkaharap silang nag-uusap sa loob ng kanyang opisina.
ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply