BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) Ika-95 na labas

“SIGURADO ako na nasa Samar sila, Kapitan. At tiyak na doon ang punta ng mga suspek na tinutugis natin. Pero hindi ko alam kung saang parte naroroon ang kanilang mga kasamahan,” sagot ni Sarhento Sagato.

“Magpapadala tayo ng mga tao sa lugar na iyon. Kailangang malaman natin kung saan sila naglulungga,” sabi ni Kapitan Salgado.

Sa mga sandaling iyon, papasok na ng probinsiya ng Samar ang SUV na sinasakyan nina Bruce.

Nagpalinga-linga si Hazel sa dinaraanan.

Pulos kakahuyan ang kanyang nakikita …

Sa malayo naman ay dagat ang kanyang natatanaw.

“Malungkot pala sa lungar na ito. Parang hindi ako tatagal dito,” sabi ng babae.

“Pero mas safe tayo sa lugar na ito kaysa Maynila,” sagot naman ni Bruce. “Magandang magtago sa lugar na ito.

Pumasok sila ng bayan ng Catarman …

At mula rito, dumiretso naman sila sa Barangay Daganas.

Lumiit ang kanilang dinaraanan… Bako-bako …

Parang sungkaan …

“Ano ba’ng lugar ito, dagat? Masyadong maalon?” reklamo ni Hazel.

Ang lakas ng tawa ni Bruce.

“Ayoko rito! Ibalik ninyo ako sa Maynila!” reklamo naman ni Angel sa likuran ng sasakyan.

“TUMIGIL KA!” pasinghal na baling sa kanya ni Bruce.

Umiyak ang bata.

“Kapag hindi ka tumigil, ipakakain kita sa kapre. Maraming ganoon dito,” panakot ng lalaki.

Nagpatuloy sa pagngunguyngoy si Angel.

“Tahan na, anak. Kasama mo ako. Hindi kita pababayaan,” sabi ni Hazel.

Galit na sinigawan siya ng bata.

“SALBAHE KA! AYOKO SA IYO!” sabi ni Angel.

“Iyan ang napala mo,” pangisi-ngising baling ni Bruce kay Hazel.

Nakarating sila sa isang dukhang barangay pero hindi sila tumigil dito.

Tuloy-tuloy sila sa pagpasok sa liblib na lugar.

Tumigil ang sasakyan sa tapat ng isang bahay sa lugar na halos gubat na ang paligid.

Kasabay nang paghinto ng sasakyan, may mga armadong kalalakihan na biglang naglabasan.

Nakatutok ang hawak na mga baril sa SUV.

“B-Bakit dito tayo nagpunta? Mamamatay tayo rito!” gimbal na sabi ni Hazel.

Hindi sumagot si Bruce.

Marahan siyang bumaba.

Biglang nagliwanag ang mukha ng mga armado nang makilala ang una.

Tuwang-tuwa nilang niyakap si Bruce.

Napailing-iling si Hazel.

Sigurado siya, nakarating na sila sa kanilang destinasyon.

Bumaba na rin siya …

Binuksan ang huling pintuan at hinila palabas ang nagwawalang si Angel.

Ipinakilala ni Bruce si Hazel sa mga dating kasama.

Naramdaman ng babae, iginagalang nila si Bruce …

Nawala ang takot niya sa mga ito.

“Mga dati ko silang tauhan na handang sumunod sa mga pag-uutos ko hanggang ngayon,” paliwanag ng lalaki kay Hazel. “Dito tayo pumunta para may magbabantay sa kaligtasan natin,” sabi ng lalaki sa babae.

Pumasok na sila sa loob ng bahay.

Dito nalaman nang husto ni Hazel kung paano iginagalang ng mga armado si Bruce.

Dahil alam nilang gutom sila, kagulo sila sa paghahanda ng kanilang makakain.  ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply