Caltex Irenville

DISYEMBRE 8, Huwebes ng ako’y magpasyang magkarga ng gasolina sa isang Caltex station na pag-aari ng Achievers Fuel & Service Center Corporation sa Sucat Road sa Parañaque bandang 1:30-1:45 ng hapong iyon. Achievers ba kamo? Tsk tsk tsk. Ako ay nagpakarga sa pump #1 ng silver na nagkakahalagang P400. Pagkatapos isara ang gas tank ng aking sasakayan ay nagbigay ako ng P1,000 sa gasoline boy.

Sa aking pagmamadali dahil alas-dos ng hapon ang aking programa sa DZRJ 810khz ay nakalimutan ko na ang aking sukling P600 at resibo.

Naalala ko na lang ito habang pababa na ng Skyway patungong Buendia.

Pambihira naman, ang sabi ko sa sarili ko. Nagpatuloy ang aking araw.
Tumuloy ako sa aking programa at pagkatapos ay nagpalipas oras sa Lexus Manila sa Bonifacio Global City habang naghihintay sa aking sunod na lakad, alas-6 ng gabi sa kalapit na Ford Pavillion para sa 11th Annual Henry Ford Awards. Pagkatapos nito ay bumalik na ako sa Caltex Ireneville para kunin ang aking nalimutang sukli at resibo.

Dumating ako doon ng 11:30 ng gabi at kampanteng lumapit sa kahero para kunin ang aking sukli. Ang sagot sa akin ng kahero, “sir wala po kasing nag-endorso sa akin ng inyong sukli.” Maganda raw na bumalik ako sa susunod na araw sa 6am-2pm shift para makausap ko ang mga naka-duty noong nagkarga ako ng gasolina.

Disyembre 9, bago mag alas-2 ng hapon ako’y bumalik. Ang sabi sa akin ng cashier on duty ay wala ring ineendorso sa kanyang P600 na sukli. Sabay tanong niya at ng mga gasoline boys sa akin kung natatandaan ko ang mukha o pangalan nung gasoline boy na nagkarga sa aking sasakyan. Ang sabi ko ay hindi. Laking gulat ko na lang ng marinig ko sa isang taga-Caltex na, “sir, pagka nalilimutan po kasi ang sukli kadalasan binubulsa na gasoline boy lalo na pag hindi binalikan agad.” Mas nagulat ako ng saba-sabay nagsalita ang tatlo pang gasoline boy ng “oo nga sir.”

Ibang klase ang mga tao dito. May mga narinig pa akong “sir wala po kasing aminan yan e.” Telling me upfront their honesty in dishonesty.

Sa puntong ito ay hinanap ko ang kanilang station manager on duty at aking nakausap si Jean. Ang sabi naman sa akin nitong station manager na ito ay hindi daw niya ako mabibigyan ng P600 dahil kukulangin naman daw ang kaha pag nag-audit sila sa gabi. Sabi niya ay tatawagan niya ang isang off duty na gasoline boy na naka duty noong araaw ng aking pagkarga. Nag-iwan ako ng aking busines card (calling card) at sabi niya ay tatawag siya bago matapos ang araw na iyon.

Wala na akong narinig hanggang ngayon maliban sa isang text mula sa may-ari ng naturang station limang araw makalipas ang pangyayari.

Isang Malou Agcaoili na retailer (may-ari) ang nag-text sa akin at humihingi ng patawad sa nangyari at gusto daw niya akong makausap.

Mahirap talaga makalimot lalo na pag may nalimutan ka sa Caltex Ireneville. Maraming Salamat na lang po Ms. Agcaoili. Apology accepted. If I were you, evaluate your staff and do the necessary terminations. They are not only destroying your name but Caltex as well. I’ve already reported this to Mr. Tony Nebrida of Chevron Phils Inc.

***

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ-AM 810 khz. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood din ito sa iba’t-ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006.

Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply