Chinese national nabiktima ng Ativan Gang

NAHIHILO pa nang magtungo kaninang umaga sa Manila Police District- General Assignment section ang isang turistang Chinese national matapos itong ma-Ativan ng anim na ‘di nakilalang suspek  kabilang ang limang kababaihan sa Intramuros, Maynila.

Dakong alas-5:00 ng umaga nang dumulog sa MPD-GAS ang biktima na si Wei Guo, 29, tubong Jiangsu province Nanjing City, China.

Ayon sa blotter report ng GAS, limang kababaihan at isang lalaki umano ang nambiktima kay Guo.

Nabatid na namamasyal umano si Guo sa Intramuros, Maynila dakong alas-3:00 ng hapon kahapon (Disyembre 9) nang makilala niya ang mga suspek at nakipagkaibigan hanggang sa nakuha ang kanyang loob.

Huling naalala lamang umano ni Guo ay nang samahan siya ng mga suspek na libutin ang iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan at hindi na nito alam pa ang sumunod na nangyari sa kanya.

Nagulat na lamang ito paggising kaninang umaga dahil nawawala na ang kanyang mga mahahalagang gamit at wala na rin ang mga suspek.

Sa ngayon ay hindi pa mabatid ng biktima ang kabuuan ng nawala niyang gamit dahil hilo pa ito nang magtungo sa himpilan ng pulisya.

Patuloy naman ang isinagawang imbestigasyon ng GAS hinggil dito kung saan hinala ng pulisya na nabiktima si Guo ng mga miyembro ng Ativan Gang. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply