Corona tutuluyan ng mga kaalyado ni PNoy

KUMPIRMADONG tutuluyan na ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino si Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa pamamagitan ng isang “creeping impeachment.”

Matapos ang halos dalawang oras na close door majority caucus na ipinatawag ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., samu’t sari ang naging reaksyon ng mga kongresista.

Si La Union Rep. Victor Ortega ay nagsabing hindi niya pa nakikita ang resolusyon ukol sa impeachment laban kay Corona.

Subalit nang tanungin si House Deputy Speaker Crispin Remulla ay kinumpirma niyang isang resolusyon ang ipinaiikot sa mga mambabatas na nagsusulong ng impeachment laban kay Corona.

Gayunman ay itinanggi ni Remulla na may “marching order” mula kay Pangulong Aquino ang minamadaling impeachment complaint laban kay Corona.

Ito aniya ay inihanda ni Iloilo Rep. Niel Tupas, Jr. at mismong ang pinamumunuan nitong House committee on justice ang siyang maghahain sa resolusyon.

Ani Tupas, ito ay may walong grounds kabilang dito ang betrayal of public trust, culpable violations of the constitutions at graft and corruption.

Maging si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ay nagsabing sa panahon ng caucus ay naka-powerpoint ang resolusyon subalit hindi aniya siya lalagda hangga’t walang konsultasyon sa Makabayan Bloc na kinabibilangan ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT, at Kabataan Party-list.

Bago naganap ang caucus ay itinanggi ng mga kongresistang nasa mayorya kung ano ang agenda bagama’t isang source ang nagsabing may 190 na mambabatas na umano ang lumagda sa resolusyon gayung ang kailangang bilang lamang ay 95 upang maiakyat sa Senado ang impeachment complaint.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply