Coronang tinik ni PNoy

“INA niya ang muling bumuhay ng demokrasya sa Pinas. Huwag naman sana siya pa ang papatay nito. Nakababahala ang kanyang ikinikilos.” Ito ang pahayag ng isa nating kaibigan patungkol sa walang humpay na panlalait at pang-aalipusta ni Presidente Noynoy Aquino, maging nitong panahon ng Kapaskuhan kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Totoo, meron din namang bilib sa Pangulo dahil kung tumirada raw ito ay harapan. Marahil ay okey nga din kung harapan, ‘yan naman ay kung away-kalye at mga walang magawang istambay ang nagbabangayan. Ang hirap e sa harap pa ng buong mundo nilapastangan ng pinakamataas na pinuno ng bansa ang punong mahistrado.

Tila nakalilimutan ni PNoy na ang kanyang binababoy ay di lamang ang ikalimang pinakamataas na opisyal ng gobyerno kundi pati na rin ang institusyon ng Korte Suprema na itinuturing na isang matibay na haligi ng demokrasya dito sa atin. Isa pala e ang pambabastos ng kapwa sa harap ng napakaraming tao ay hindi ugaling Filipino. Hindi ito magandang ehemplo sa ating mga kabataan lalo na’t kung galing pa ang banat mula sa isang tinaguriang edukado.

Pero mukhang napuno na rin ang salop ni Corona. Kamakailan ay binuweltahan niya ang Pangulo kung saan ay mariin niyang sinabi na gusto siyang durugin ng Palasyo upang mapilitan siyang magbitiw. Sa aking pakiwari, sinasabi ni Chief Justice na mabubunot ang koronang tinik sa ulo ni PNoy kapag wala na siya sa piktyur. Kapag wala na nga naman si Corona, maaari na si PNoy na pumili ng kapalit na parang belekoy at sunud-sunuran sa kanya. Kung mangyayari yan, aba’y hawak na niya ang Kongreso hawak niya pa ang Supreme Court. Hindi magandang pangitain ito dahil ayon nga kay Corona mawawala na nang tuluyan ang tinatawag na check and balance sa gobyerno. Tulad ng maraming nakaiintindi ng batas, maging ang batikang senador na si Joker Arroyo ay nababahala na rin. Tila umanong nag-aala-Marcos na raw si PNoy na hanggang ngayong ay Coke Zero pa rin ang iniinom.

“Wag naman sana dahil kawawa na naman ang bayan. Ang ipinaglaban ng kanyang ina at ng taumbayan sa Edsa 1 ay mauuwi rin sa wala dahil balik na naman ang Pinas sa diktadurya. Nakatatakot isipin.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply