Dahil sa mabuting dulot sa kalusugan: Buko juice bilang pambansang inumin

MAYSAKIT ka ba sa bato dahil sa pagkahilig sa mga pagkaing maaalat? Ito ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng bato sa ating kidney.  Asin, patis, bagoong, toyo at iba pang gaya nito ang kinahihiligan ng marami sa atin. Na hindi makakain kapag walang sawsawan na patis o bagoong kapag sinigang na isda o baboy ang ulam. Magana nga namang kumain kapag ganito ang sawsawan na may konting anghang.

Sa ngayon, ipinapayo ng health experts ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Ang umiwas sa mga pagkaing matataba at maaalat.

Hindi biro ang pagkakaroon ng sakit sa bato. Kadalasan ayaw magpa-opera ng iba dahil natatakot at umaasa lamang sa gamot at iba pang supplements para tunawin ang bato na namuo sa kidney.

Isa sa inirerekomenda at napatunayan nang panlaban sa sakit sa bato ay ang pag-inom ng sabaw ng buko (buko juice).

Alam mo ba na ipinakita sa isang pag-aaral ng Urology Department, Chinese General Hospital sa Maynila, napatunayan na ang injection o pagtuturok ng coconut water (buko juice) sa pamamagitan ng catheter sa urethra ay nakababawas sa laki ng bato, nakapagpapabilis sa pagtunaw ng bato nang hindi sumasailalim sa operasyon.

Ang proseso ay tinawag na “bukolysis” ay epektibo sa 87% ng 1,672 pasyente na sumailalim “buko therapy.” Ipinapayo ng report na ang pag-inom ng coconut water (buko juice) ng 2 hanggang 3 beses sa isang linggo upang maiwasan ang pagkakaroon ng kidney stones.

Dahil dito, inirekomenda ni AGHAM Party-list Rep. Angelo B. Palmones ang coconut water o “buko” juice bilang pambansang inumin ng mga Pinoy dahil sa mabuting dulot nito sa ating kausugan at wala pang maituturing na ganito sa Pilipinas gaya sa ibang mga bansa.

Sa House Resolution 1887,  sinabi ni Palmones na marami nang sinisimbolo ang bansa kabilang dito ang narra bilang pambansang puno, sampaguita bilang pambansang bulaklak, mangga bilang pambansang prutas, bangus bilang pambansang isda at lechon bilang national dish.

“We don’t have yet a national drink,”  ani Palmones. “Other countries have already named their own national drinks like  Japan has shake, Indian has tea, and Vietnam has Mekong whiskey as its national drink,” dagdag ni Palmones.

Nakapaloob sa HR 1887, na 1/3 sa lupang pang-agrikultura ng bansa o 3.4 milyong hektarya ay tinaniman ng niyog. Isa ang Pilipinas sa naiulat na nangungunang prodyuser ng mga produktong mula sa niyog sa buong mundo. Noong 2010,  nakapag-export ang Pilipinas ng tinatayang US$1.62 billion halaga ng mga produktong mula sa niyog.

Inihayag din ni Palmones sa kaniyang resolusyon na sa pinakahuling biyahe ni Pangulong Benigno Aquino III sa United States, inanunsiyo nito na handang mamuhunan ang isang US company ng $15 million sa Philippine coconut industry para sa produksiyon ng coconut water o buko juice.

“There is  a growing global demand for coconut water as a health drink. The young coconut water has been dubbed as the  “liquid of life” and “functional food” because of its many health benefits,” paliwanag ni Palmones.

Aniya, base sa mga pag-aaral, ang buko juice ay natural na mababa sa carbohydrates, sugar at fat-free. Nagtataglay ito ng organic compounds na nakatutulong na manatiling wasto ang temperatura sa katawan, nakapagpapataas ng metabolismo sa katawan, boost immune system, nakapaglilinis ng digestive tract, nakapagpapababa ng timbang, at nakatutulong mabawasan ang kulubot at lumalaylay ang balat.  Idinagdag pa ng mambabatas na ipinakita sa mga pananaliksik na ang buko juice ay nakapagpapataas ng good cholesterol ng 46.2%, nakapagpapababa ng liver cholesterol ng 26.3% at nakapagpapabawas ng panganib sa naninigas na arteries ng 41.1%.

“With “buko” juice as national drink, we do not only promote the health of the Filipinos the natural way, but also help agricultural workers and the growth of the coconut industry in the country,”  pagtatapos ni Palmones.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply