Dapat may masibak sa trahedya kay Sendong

ISANG malungkot na Pasko at Bagong Taon ang sasalubong sa mga residente ng Cagayan de Oro at Iligan City na sinalanta ng bagyong  Sendong.

Habang isinusulat ko ang kolum na ito ay aabot na sa 1,000 katao ang deklaradong namatay at daan-daan pa ang nawawala.

Inaasahan ng mga awtoridad na madadagdagan pa ang bilang ng nasawi at aabot din sa daang milyon ang halaga nang mga ari-arian na napinsala.

At gaya nang dati ay nagtuturuan na naman ang mga nasa pamahalaan para maghanap ng masisisi sa trahedya.

Pero kahit ano pang palusot ang gawin nila ay litaw na litaw ang katotohanan na bunga na naman ang pangyayaring ito nang korapsyon.

Lumalabas sa mga unang ulat na walang patumanggang illegal logging na pinabayaan ng mga nasa poder ang dahilan ng mga pagbaha na ito.

Ito siguro ang tamang panahon para umaksyon na si Pangulong Noynoy Aquino at sibakin na ang mga dapat sibakin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang kagayang ahensiya na dapat ay nangangalaga sa ating likas na yaman.

Dahil sa malagim na pangyayaring ito ay inaasahan ng taumbayan ang mabigat na aksyon ni Pangulong Noynoy Aquino at magagawa niya ito kung may mga ulo na gugulong.

Sige, Pangulong Noy, sibakin mo na ang mga dapat sibakin!

Kahit mga KKK pa kung  walang nagagawa o naging pabaya.

* * *

Samantala,malayo na ang narating ng kampanya ni Pangulong Noynoy laban sa korapsyon.

Tuluyan na ngang nasampahan ng non-bailable na kasong electoral sabotage si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ang sinasabing partner in crime niya na si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. (ITUTULOY)

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply