Death threat ni GMA sana ‘di mauwi sa ambush me – Ping

NAGBABALA sina Senators Francis Escudero at Panfilo Lacson na baka mauwi sa senaryo ng “ambush me” at pekeng pagkamatay ang mangyari kay dating pangulong Gloria macapagal arroyo.

Ginawa nina Escudero at Lacson ang babala matapos ilabas ng kampo ni Arroyo na mayroon daw plano ang pamahalaan na patayin ang kongresista ng Pampanga sa ilalim ng “Oplan: Put the little girl to sleep.”

Ayon kay Escudero, sana raw ay hindi lumikha ng ambush me scenario ang kampo ni GMA sa mga susunod na araw para makakuha ng simpatiya ng publiko.

Kung talagang may banta sa buhay ni GMA, hinamon ni Escudero ang kanyang spokesperson na si Elena Bautista-Horn na tukuyin ang pangalan ng kanilang source at kasuhan ang mga ito.

Iginiit ni Escudero na napaka-iresponsable at kalokohan umano na ibunyag ang isang death threat sa kongresista kung wala naman itong sapat na basehan.

Tinawanan naman ni Lacson ang death threat kay Gng. Arroyo na may nakatatawang code name.

Ani Lacson, kung dati raw ay gumamit ang Arroyo administration ng pekeng balota sa 2004 at 2007 elections, sumunod ay pineke rin ang seryosong kondisyon ng kalusugan ng dating pangulo na kinontra naman ng sariling mga doktor sa St. Luke’s.

Ngayon naman, giit ni Lacson ay gusto rin gumawa ng fake death threats ng kanyang alipores na hindi na paniniwalaan ng taumbayan.

Hiling ni Lacson, sana ay hindi umano gawing peke ang pagkamatay ni GMA sa susunod na mga araw.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply