Death toll ni ‘Sendong’ 1,167 na

TINATAYANG nasa 90 porsyento na ng kabuuang bilang ng mga pinaghahanap na bangkay ang natagpuan na  ng mga elemento ng disaster team ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kasunod ng walang tigil na search at retrieval operation sa Cagayan de Oro at Iligan City.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, kaunting mga bangkay na lamang ang kanilang pinahahanap bagama’t may mga naiulat na daan-daang katao pa ang nawawala.

Ito ay sa likod ng pagbawi ng NDRRMC ng kanilang nga ipinalalabas na datos hinggil sa bilang ng mga nasawi, na-recover na bangkay at bilang ng mga nawawala.

Sa datos ng Armed Forces of the Philippine –Easter Mindanao Command ay umaabot na sa 1,167 ang bilang ng mga bangkay ang kanilang na-recover at 676 lamang sa mga ito ang na-identify.

Kahapon ng tanghali ay may kabuuang 674 ang bangkay na nakuha sa Cagayan de Oro City subalit 273 lamang ang identified. Sa Iligan City ay umaabot na umano sa 448 ang bilang subalit tanging 371 lamang ang nakilala, habang 45 naman sa Bukidnon at 32 rito ang kanilang na-identify.

Una ng sinabi ni Ramos  na hindi umano sila titigil sa operasyon kahit Pasko at Bagong Taon.

Kaugnay nito, hindi umano sentro ang pagbilang ng mga nawawala sa kanilang operasyon kungdi ang paghahanap ng mga biktima lalo na’t wala umanong maibigay na official count ang mga lokal na opisyal sa mga lugar na sinalanta ng bagyong “Sendong.”

Nabatid na 51 lamang ang official count sa missing ng NDRRMC taliwas sa rekord ng Philippine Red Cross (PRC) at ng militar.

Bandang alas-11:00 ng umaga ay nasa 1,167   ang bilang ng mga nasawi sa kalamidad .

Marami pang mga nawawala biktimang  ang inaasahan  marekober ngayong long weekend holiday ng NDRRMC kasama ng disaster at rescue team sa pagpapatuloy ng search at retrieval operation sa Northern Mindanao lalo na sa Cagayan de Oro at Iligan City.

Inihayag ni Ramos na gumamit na ang disaster team ng barko, helicopter at mga scuba divers mula sa Philippine Navy upang lalo pang paigtingin ang kanilang paghahanap sa daan-daang pang mga nawawala.

Samantala nasa limang tulay pa rin ang hindi madadaanan sa ngayon sa Northern Mindanao dahil sa labis na pinsala ng nagdaang kalamidad.

Umaabot na rin ngayon sa higit P1.082 bilyon ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura habang nasa halos 38,000 mga kabahayan naman ang nasira ng nasabing delubyo. Verlin Ruiz

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply