DENR: Total log ban paiigtingin kasunod ng hagupit ng bagyo

NANAWAGAN ngayon si Environment Secretary Ramon Paje nang mas mahigpit na pagtutok laban sa pamumutol ng punong kahoy dahil sa nakikitang masamang epekto nito sa kalikasan.

Ito ang naging reaksyon ng kalihim matapos na personal na makita ang malaking pinsalang idinulot ng baha sa Cagayan de Oro, Iligan City at iba pang lugar sa Mindanao, na hinagupit ng bagyong Sendong.

Binigyang-diin din ni Paje na kailangan na ang total log ban sa buong bansa upang maagapan ang mga posibleng susunod pang kahalintulad nitong kalamidad.

Bagama’t may umiiral umanong log ban, ay marami pa rin ang iligal na namumutol ng puno na dapat umanong tutukan, hindi lamang ng mga tauhan ng gobyerno kundi maging ng mga karaniwang mamamayan.

Pinangangambahan umakyat pa sa libo katao ang namatay sa nangyaring flashfloods sa mga lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan sa Mindanao.

Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 650 katao ang iniulat na nasawi at mahigit  300 ang nawawala.

Mahigit 32,000 naman ang mga residente ang nagsisiksikan sa mga evacuation center.

Pinangangambahan ring ang posibleng pagkalat ng epidemya sa lugar dahil sa mabahong amoy na mula sa mga nangamatay na hayop at tao sa binahang mga lugar na hindi pa naililibing.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply