Divine intervention sa bibitayin sa China

HIHILING ng ‘divine intervention’ ang Simbahang Katoliko para mailigtas ang overseas Filipino worker (OFW) na isasalang sa bitay sa Huwebes (Disyebre 8), sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga banal na misa para sa kanya nitong Linggo.

Sinabi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa pamamagitan ng mga banal na misa na idaraos sa iba’t ibang simbahan sa bansa, hihingi sila ng divine intervention para mapagbigyan ang kahilingan ng pamahalaan ng Pilipinas sa Chinese government na ma-commute sa habambuhay na pagkabilanggo ang parusang bitay sa 35-anyos na Pinoy.

Ayon kay CBCP president at Cebu Archbishop Jose Palma, inatasan niya ang lahat ng diocese na mag-alay ng misa para sa naturang Pinoy.

“We are united with our government leaders in the appeal to the Chinese government for a commutation of death penalty to life imprisonment,” ayon pa kay Palma.

Sinabi naman ni CBCP secretary general Monsignor Joselito Asis na ang naturang aksiyon ay tugon na rin nila sa hiling ni Vice President Jejomar Binay na mag-alay pa ng mas maraming dasal para sa Filipino convict.

Sa liham ni Binay sa CBCP, sinabi nito na hindi matitinag ang kanyang pananampalataya na magmimilagro at maliligtas sa bitayan ang di pinangalanang Pinoy.

Ang Pinoy ay nahatulang mabitay matapos na mahuling nagpupuslit ng 1.495 kilo ng heroin noong Setyembre 13, 2008 sa Guilin International Airport.

Nais ni Binay na magtungo sa China sa isang mercy mission para hilingin na mapababa ang hatol na bitay sa Pinoy ngunit nitong Sabado ng gabi ay nagpaabot na ng mensahe ang Chinese government sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sinabing hindi nito naayos ang pagbisita ni Binay sa China.

Ayon kay DFA Spokesperson Raul Hernandez,  ipinaabot rin sa kanila ng Beijing na ang hatol ng Supreme People’s Court of China ay “final at executory” na.

Gayunman, tiniyak umano ng China sa DFA na gagawin nila ang lahat upang matulungan ang pamilya ng Pinoy.

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang DFA na papayag ang  Chinese authorities na magtungo sa Beijing si Binay upang personal na maihatid ang sulat apela ng pamahalaan kay Chinese President Hu Jin Tao.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply