DOH sa publiko: Magkaroon ng ligtas at malusog na holiday season

PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na tiyaking magiging ligtas at malusog ang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Sinabi ni Health Secretary Enrique T. Ona sa publiko na bantayan ang kanilang kalusugan ngayong holiday season upang makaiwas at makontrol ang mga ‘non-communicable diseases (NCDs)’ o tinatawag na “lifestyle-related diseases.”

Ayon kay Ona, batay sa Philippine Health Statistics noong 2006, ang NCDs ay kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkamatay, kabilang na ang sakit sa puso na siyang nangunguna, sumunod ang sakit sa (2) vascular system, (3) malignant neoplasms, (7) chronic lower respiratory diseases, at (8) diabetes mellitus.

Paliwanag ni Ona ang cardiovascular diseases, cancers, chronic obstructive pulmonary diseases, at diabetes mellitus, na apat na pangunahing NCDs sa bansa ay karaniwang nakukuha sa risk factors na maaari naman sanang iwasan tulad ng paninigarilyo, unhealthy diet, kawalan ng ehersisyo at pag-inom ng alak.

Kung iiwasan lamang aniya ang mga naturang risk factors ay maka-iiwas rin ang mga mamamayan sa mga naturang karamdaman.

Nagbigay pa ng mga tips si Ona upang matiyak na magkakaroon ng ‘healthy at stress-free holiday season’ ang mga Pinoy, kabilang ang :
1. Maghanda nang maaga para sa makahulugan na Kapaskuhan upang maiwasan ang stress
2. Magregalo sa mga bata ng mga laruan na ligtas at angkop sa kanilang edad at abilidad
3. Dapat na bumili lamang ng mga produktong lehitimo at rehistrado.
4. Maghanda ng masustansyang pagkain, tulad ng gulay at prutas sa Noche Buena at Media Noche, at tiyaking malinis at sariwa ang mga pagkaing ihahanda upang makaiwas sa food poisoning.

Ani Ona, maaari namang dumalo sa mga salo-salo sa Pasko, ngunit dapat na sapat lamang na pagkain sa plato ang kainin.

Dapat ring umiwas sa labis na matataba at maaalat na pagkain para manatiling malusog ang puso at pangangatawan, gayundin ang pag-inom ng alak o mga nakalalasing na inumin lalo na kung magmamaneho ng sasakyan.

Mahigpit rin ang payo ng DOH na regular na mag-ehersisyo tulad nang paglalakad, pagtakbo, pagsayaw upang maging masigla ang katawan sa Pasko.

Sinabi pa ni Ona na mahalaga rin ang pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga lalo na’t mahaba ang panahon para sa kasayahan sa Kapaskuhan.

Tinukoy rin ng Kalihim na umiwas sa paggamit ng paputok upang makaiwas sa digrasya.

Sinabi pa ng Kalihim na ngayong holiday season ang pinakamagandang pagkakataon upang simulan ang pagkakaroon ng healthy living.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply