DOH tutol sa mass burial sa mga biktima ng bagyo

HINDI sang-ayon ang Department of Health (DOH) sa plano ng lokal na pamahalaan ng Iligan City na magsagawa “mass burial” sa mga labi ng mga biktima ng bagyong Sendong.

Sinabi ni Health Assistant Secretary Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC), na hindi “advisable” ang naturang plano.

Ani Tayag, marapat na tiyaking maayos ang pagkakalibing sa mga bangkay.

Ayon pa sa direktor, ‘overstated’ lamang ang pangamba hinggil sa panganib na dulot ng mga naaagnas na bangkay.

Payo ni Tayag na dapat na bigyan ng pagkakataon ng lokal na pamahalaan ng Iligan City ang mga residente na kunin ang labi ng kanilang mga kamag-anak at mabigyan sila ng maayos na libing.

Nauna rito, inihayag ni Iligan City Mayor Lawrence Cruz na magsasagawa sila ng mass grave para ilibing ang mga bangkay na nabubulok na at hindi pa kinukuha ng mga kamag-anak, sa pangambang magdulot ito ng panganib sa kalusugan ng mga residente.

Ang Iligan City ay isa sa mga lugar na pinakamatinding napinsala ng flashfloods na dulot ng bagyong Sendong.

Kaugnay nito, daan-daang bangkay ang narekober sa Iligan City simula nang manalasa ang bagyo at pinangangambahang madadagdagan pa ang naturang bilang dahil marami pang mga residenteng ang nawawala.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply