EcoWaste umikot para sa ‘Iwas Paputoxic’ sa Bagong Taon

NAG-IKOT ngayon ang grupo ng mga makakalikasan sa Malate, Maynila kasama ang ilang mga bata para sa kampanyang “Iwas Paputoxic” o ang pagbabawal sa pagggamit ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ayon kay Aileen Lucero, campaigner ng EcoWaste Coaliton, ang kanilang pag-iikot ay upang ipanawagan sa publiko na umiwas sa anumang paputok na maaaring makapinsala sa kalugusan at posibleng ikamatay pa ng mabibiktima nito.

Bukod sa mga hawak na banners na may nakasulat na “ligtas na salubungin ang 2012” ay namigay din ang grupo ng leaflets na naglalaman ng 15 walang usok, walang basura na maaaring gamiting pampaingay sa pagsalubong sa Bagong Taon. Kabilang sa mga ito ay ang takip ng kaldero at torotot.

Pinayuhan din ng EcoWaste ang mamamayan na imbes na bumili pa ng mga paputok ay mas mabuti umanong i-donate na lamang ang kanilang gagastusing pera sa mga nasalanta ng bagyong Sendong upang sila ay makatulong.

Nabatid na nakatakda ring umikot ang grupo sa Manila Zoo sa Disyembre 28 upang ipabatid sa publiko ang masamang epekto ng paputok sa mga hayop.

Sa Disyembre 29 naman ay sa Lung Center mag-iikot ang EcoWaste para paalalahanan ang publiko na ang usok mula sa mga paputok ay mapanganib sa kalusugan ng tao.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply