Electrician inutas ng may gusto kay misis

PATAY ang 45-anyos na electrician nang patraydor na upakan ng lalaking hinihinalang may lihim na pagtingin sa misis ng una sa Pasay City.

Hindi na umabot nang buhay sa Pasay City General Hospital si Arnel Ifurung, naninirahan sa 1772 Brgy. 46 Zone 6 Tramo St., sanhi ng matinding pinsala sa ulo habang tumakas naman ang suspek na nakilala sa pangalang George Timtiman, dating barangay tanod at residente rin sa naturang lugar.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Ronaldo Frades at SPO1 Cris Gabutin ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at misis na si Antonette, 36, matapos silang makipag-inuman sa isang kaibigan.

Kapwa umano lasing na ang mag-asawa nang magsumbatan kaugnay sa problema sa kanilang pamilya hanggang ipasya ng lalaki na umalis at iwanan ang ginang.

Habang naglalakad palayo si Ifurung ay bigla na lamang sumulpot ang suspek at inundayan ng malakas na suntok sa ulo ang biktima na kaagad bumulagta ng padapa sa sementadong baldosa.

Kahit hindi na kumikilos ang biktima ay patuloy pa siyang sinisipa at pinagsusuntok sa likod ng suspek na natigil lamang nang dumating ang kapatid ng biktima.

Hinala ang pulisya na posibleng may lihim na pagtingin ang dating barangay tanod sa asawa ng biktima at posibleng nagalit ito nang awayin ng huli ang kanyang nililiyag.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply