Estudyante patay sa tarak ng kaaway

PATAY ang isang 16-anyos na estudyante matapos itong saksakin sa likod nang nakaaway na grupo ng kabataan kaninang umaga sa Tondo, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Mary Johnston Hospital ang biktima na si Nicole Keith Franco na residente ng 611 Pacheco st., Tondo, Maynila.

Tumakas naman ang mga suspek matapos ang insidente.

Sa report ni SPO2 Edmundo Cabal, imbestigador ng MPD-Homicide Section, dakong alas-5:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng isang bahay sa 615 Amarlanhagui st. ng nasabing lugar.

Kagagaling lang umano ng biktima sa simbahan kasama ang kaibigan nitong si Mark Hunter Dela Cruz.

Habang naglalakad ang mga ito sa Pitong Gatang st., sa nasabing lugar ay  nakasalubong naman nila ang iba pa nilang kabarkada kung saan isang nagngangalang Rea umano ang nagbalita sa dalawa na dumaan sa lugar ang grupo ng suspek na unang nanuntok kay Dela Cruz noong Disyembre 16 .

Agad umanong sinugod ng grupo ng biktima ang grupo ng suspek ngunit dahil outnumbered ang grupo ng huli ay nagkanya-kanya silang pulasan sa iba’t ibang direksyon.

Tumakbo naman ang biktima kasama ang isang alyas “Geovanni” sa direksyon ng Amarlanhagui nang bigla na lamang may sumaksak sa kanyang likuran dahilan upang bumagsak ito sa semento.

Agad na isinugod sa nasabing ospital ang biktima ng kanyang mga kaibigan subalit idineklarang dead on arrival.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil dito. Jocelyn Tabangcura-Domenden

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply