Ex-SC justice inupakan ng kaalyado ni PNoy

HINDI pa man humuhupa ang batikos sa mga kuwestiyonableng desisyon ng Supreme Court, isang dating associate justice naman ng kataas-taasang hukuman ang inakusahan ng kaalyado ng administrasyon bilang “coddler” ng mga kriminal.

Sa kanyang sponsorship speech para sa pag-amiyenda ng Anti Money Laundering Act (AMLA) na nakapaloob sa Senate Bill No. 3009, pinitik ni Sen. Franklin Drilon si dating SC Justice Dante Tinga dahil ang pinonente daw nitong desisyon noong nakaupo pa sa High Court ang siyang nagpahina sa AMLA.

“Justice Dante O. Tinga, by a single stroke of ink in People v. Eugenio changed the intention of the law, rendering it ineffective and inutile, even coddling the very criminals it sought to prosecute,” pagdidiin ni Drilon.

Pinaliwanag ng senador na isinabatas ang AMLA upang malambat ng gobyerno ang mga “money launderer” pero ito’y tila nawalan ng silbi matapos mabunyag ang pagyaman ng mga dating opisyales ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa fund conversion o “pabaon system.”

Sinisi ni Drilon ang desisyong ipinonente ni Tinga kung kaya’t naging inutil ang AMLA.

Sa naturang desisyon ng dating mahistrado, binaligtad nito ang desisyon ng Makati at Manila Regional Trial Court hinggil sa ‘ex parte inquiry’ ng bank accounts ng government officials at officers ng Philippine International Terminal Corporation (PIATCO) dahil sa maanomalyang NAIA-Terminal 3 project.

Dahil sa desisyong ito, hindi na makapagsagawa ng sikretong imbestigasyon ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil kailangan na ang notification para mabusisi ang isang kuwestiyonableng bank account, kung kayat natitimbrehan nito ang may-ari ng account para mag-withdraw at ubusin ang laman ng account bago pa man mapalabas ang freeze order.

“The passage of SB 3009 will correct the grave error of Justice Tinga in People v. Eugenio , which we want to emphasize, changed the concept of the law and rendered the whole Anti-Money Laundering Regime inutile and useless,”patutsada ni Drilon sa kanyang talumpati.

Napag-alaman na matapos magretiro sa SC, nagtayo si Tinga ngayon ng kumpanya na may pangalan na Bellwether Advisory bilang chairman, kung saan ang vice-chairman naman ay si dating DOTC Undersecretary Primitivo Cal na dati ring nasangkot sa Piatco controversy.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply