FDA: Newborn milk product na binawi sa US, di ipinagbibili sa Pinas

HINDI ipinagbibili sa Pilipinas ang isang newborn milk product na ipinabawi kamakailan mula sa mga tindahan sa Estados Unidos dahil sa posibilidad na may kinalaman ito sa pagkamatay ng isang sanggol doon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na ang Enfamil Premium Newborn na gawa ng US Manufacturer na Mead Johnson Nutrition ay hindi ipinagbibili sa Pilipinas kaya’t walang dapat na ipangamba ang publiko hinggil dito.

Ayon kay FDA Acting Director Suzette Lazo, nagsagawa na sila ng inspeksyon sa mga tindahan kaugnay sa nasabing produkto at nakumpirmang hindi nga ito ipinagbibili sa Pilipinas.

“The FDA has conducted inspections in stores to ensure that the above cited product has not been distributed locally,” ani Lazo.

Sa kabila nito, masusi pa rin umanong minu-monitor ng FDA ang development sa isinasagawang imbestigasyon ng US FDA at ng US Center for Disease Control sa insidente.

Nabatid na ang naturang gatas para sa mga sanggol ay ipinag-utos na alisin mula sa mga pamilihan kasunod nang posibilidad na may kinalaman ito sa pagkamatay ng isang sanggol.

Sinasabing namatay ang sanggol pagkainom ng gatas dahil sa impeksyong nakuha mula sa isang uri ng bacteria na tinatawag na Cronobacter sakazakii.

Gayunman, lumitaw naman umano sa laboratory analyses ng Mead Johnson USA na negatibo ang gatas sa presensiya ng naturang bacteria.

Kinumpirma na rin naman ng Mead Johnson Nutrition (Philippines) na ang naturang produkto ay sa Estados Unidos lamang eksklusibong ipinagbibili.

Paliwanag pa ng Mead Johnson, bukod sa Enfamil Premium Newborn, ang sanggol ay pinadede rin ng iba’t iba pang formula products kaya’t hindi pa talaga matukoy kung saan nito nakuha ang bacteria na naging dahilan ng kaniyang kamatayan.

Kaugnay nito, hinimok ni Lazo ang mga magulang na i-breastfeed na lamang ang kanilang mga sanggol.

Aniya, suportado ng FDA ang Milk Code at pagpapadede ng gatas ng ina sa sanggol dahil higit itong makabubuti para sa kanilang kalusugan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply