Generous si Dingdong sa pagsi-share ng blessings kaya sinuswerte!

ANG dami na talagang pera ni Dingdong Dantes at ang laki ng tiwala n’ya sa Star Cinema at kay Kris Aquino.

Alam n’yo bang co-producer pala si Dingdong Dantes ng “Segunda Mano” kung saan magkatambal sila ni Kris for the first time sa bakuran ng Star Cinema? Nagawa na rin ba n’ya yon sa GMA Network Films? Parang wala tayong nabalitaang ganu’n, ah?

Bale one-third daw ng total budget ng pelikula ay galing kay Dingdong, pagbubulgar ni Kris nung press conference kamakailan para sa Segunda Mano na idinaos sa 9501 restaurant sa 14th floor ng ELJCC Building ng ABS-CBN. Isa ito sa dalawang entries ng Star Cinema sa 2011 Metro Manila Film Fest. (Yung isa pang Star Cinema entry ay ang Enteng ng Ina Mo na nagtatambal kina Vic Sotto at Ai Ai de las Alas for the first time.)

Yung isa pang one-third ng production cost ng Segundamano ay sosyo ni Kris at ni Edgar Mangahas na matagal nang nagko-co-produce sa mga pelikula ng Star Cinema. At yung pangatlong one-third ay mula mismo sa Star Cinema.

Most likely si Kris ang nag-suggest kay Dingdong na maging co-producer siya. Malapit sila sa isa’t isa dahil si Dingdong ang youth endorser ni PNoy nung kumandidato siya. Which means, malaki ang tiwala n’ya sa mga Aquino.

At mukhang generous naman si Dingdong sa pagsyi-share ng blessings. Nung gabi ng press conference para sa Segunda Mano, kung saan nagpa-raffle si Kris Aquino ng cash totalling P168, 000 (bukod pa sa 8 LCD television sets at dalawang Philipp Stein watches, at gift certificates from Boardwalk), si Dingdong naman ay namigay ng tig-P5,000 cash sa pitong photographers na nagku-cover ng event na yon.

At si Kris naman, kapag umabot daw sa P150 million ang gross ng pelikula nila nina Dingdong at Anjelica Panganiban, ipagluluto n’ya ang showbiz press, at magpapa-raffle siya uli ng cash at bayung-bayong na mga produktong ini-endorse n’ya. Who knows, baka pag umabot nga sa P150 million ang kita sa takilya, magpapa-raffle din si Dingdong at tatanggap ng isa pang pelikula bilang katambal pa rin ni Kris.

Kahit na nagdidemandahan sina Annabelle Rama at Nadia Montenegro, kahit na inuusig ng batas ang mga anak ni Ramon Revilla kay Genelyn Magsaysay, kahit na nag-break na sina Piolo Pascual at KC Concepcion, at kahit na wala pang bagong lalake si Kris para pasayahin ang kanyang silid tulugan, masaya po ang Pinoy Showbiz nitong 2011.

***

PANIG kami sa plano ng Fernando Poe, Jr., for President Movement (FPJPM) na ipaglaban na ma-recognize ang yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino bilang nahalal na 14th president of the Republic of the Philippines –pero nadaya sa bilangan ng boto.

Nabuo ang balak na yon nung araw ng pag-alala sa ikapitong taong anibersaryo ng pagyao ni FPJ nung December 14. Kung tinatanggap na ng bayan na naluklok sa pagkapangulo si Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pandaraya sa bilangan, dapat lang na ituwid natin ang pagkakamaling iyon sa pamamagitan ng pagpoproklamang nahalal ngunit di nakaupo si FPJ. At dapat lang na maitala sa official and historical documents, pati na sa history books ang pagkahalal sa kanya ng mamamayan at pandaraya sa kanya sa bilangan. Kung hindi natin babaguhin ang historical records, pati na ang mga aklat ng kasaysayan magiging mangmang ang mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino tungkol sa kasaysayan ng kanilang bansa. Hindi mabuti ang maging mangmang sa kasaysayan.

Tiyak na maraming taga-showbiz ang matutuwa pag natuloy ang opisyal na pagkilala kay FPJ bilang ang pangulo ng Pilipinas na inihalal ng sambayanan nung 2004. Bale siya ang pangalawang nahalal na pangulo mula sa showbiz na hindi napatalsik dahil sa pandarambong sa kaban ng bayan. Isa yung napakalaking karangalan para sa lahat ng artista sa ating bansa. Nagbibigay inspirasyon yon sa mga aktor at aktres na mangarap ding mahalal na pangulo ng bansa sa tamang panahon.

Unfortunately, sa mga susunod na taon pa siguro mahaharap ng Malakanyang at ng iba pang awtoridad ang opisyal na pagkilala kay FPJ bilang ang pangulong nahalal ngunit nadaya sa bilangan. Sa pagtatapos nitong 2011, ang pinagkakaabalahan ng mga nasa matataas na puwesto sa pulitika at sa pamahalaan ay ang pag-i-impeach sa Supreme Court Chief Justice na midnight appointee ni Gloria Macapagal-Arroyo, ang pangalawang pangulo ng bansa na nabilanggo (ang una ay si Joseph Estrada, naaalala n’yo pa ba?) dahil sa mga krimen laban sa bayan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply