GMA ililipat na bukas sa VMMC

ILILIPAT sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula sa St. Luke’s Medical Center (SLMC) sa Taguig City bukas ng umaga (Biyernes, Disyembre 9)

Ipinauubaya na ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) sa Philippine National Police (PNP) ang mga pamamaraan kung papaano ililipat ang dating Pangulo.

Kumpiyansa naman si Atty. Ferdinand Topacioo na hindi na poposasan pa ng pulisya si Ginang Arroyo dahil wala naman siyang kakayahang tumakas o magtangka man lamang tumakas lalo na at hindi pa naman maayos ang kondisyon ng kalusugan nito.

“Sa aming palagay hindi naman yan gagawin sa kanya dahil sa hindi naman siya tatakas. Ang procedure kasi ay pinoposasan ng pulis kung may posibilidad na tatakas ang isang bilanggo o manlalaban,” ani Topacio.

Si Gng. Arroyo ay nakatakda sanang ilipat sa VMMC noon pang araw ng Lunes (Disyembre 5) subalit humirit ang kanyang mga abogado na ibinbin hanggang ngayon ang paglilipat sa pagamutang kontrolado ng pamahalaan dahil kailangan pang tapusin ang pagkukumpuni sa tutuluyan niyang Presidential Suite na kinatigan naman ni Judge Jesus Mupas.

Kanina ay nag-inspeksiyon si Sheriff Rodelio Buenviaje ng Pasay RTC Branch 112 sa pasilidad ng VMMC na pagdadalhan kay Gng. Arroyo upang alamin kung lahat ng mga pinagbigyang kahilingan ng kanyang mga abogado ay naisakatuparan.

Hindi naman matiyak ng hukuman kung gagamit ng helicopter ang PNP o ibi-biyahe ng convoy ang dating Pangulo sa paglilipat nito sa VMMC.

Nauna ng inihayag ni Superintendent Dionardo Carlos, spokesperson ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na handang-handa na ang lahat ng pamamaraan sa isasagawa nilang paglilipat sa dating Pangulo sa VMMC.

Inihayag pa ng PNP na posibleng maglabas sila ng kautusan na magbabawal sa lahat ng uri ng sasakyang panghimpapawid na lumipad sa paligid ng VMMC.

Sa oras namang mailipat na sa VMMC ang dating Pangulo, hindi na siya pahihintulutang gumamit ng cellphone at laptop hangga’t hindi nareresolba ang petisyon ng kanyang mga abogado na payagan siyang gumamit ng naturang mga gadget upang magampanan ang tungkulin bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply