GMA tuloy-tuloy na sa VMMC sa Linggo

BINISITA kanina ng bunsong anak ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na si Bicol Rep. Datu Arroyo ang silid na paglalagakan sa kanyang ina sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City simula sa Linggo (Disyembre 4).

Ayon sa report, siniguro ni Datu na ligtas at magiging komportable ang kulungan ng ina.

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan ang kampo ng mga Arroyo sa Philippine National Police (PNP) dahil sa impormasyong umano’y banta sa buhay ng dating Pangulo.

Matatandaang sinabi ng spokesperson ni Ginang Arroyo na si Maria Elena Bautista-Horn na natutuwa silang agad tumugon ang PNP upang matiyak ang seguridad ng dating Pangulo.

Gayunman, wala umano silang balak na ipaalam ang source ng umano’y “Oplan Put the Little Girl to Sleep.”

Kailangan umano nilang protektahan ang kanilang source dahil baka ito naman ang mapagbalingan.

Ngunit gusto pa ring tiyakin ni Datu na hindi matutuloy ang anumang masamang plano kay Gng. Arroyo kapag nasa VMMC na ito, kahit pa minaliit ng Malakanyang ang Oplan Put the Little Girl to Sleep.

Sa hiwalay na report, dismayado si Atty. Ferdinand Topacio sa deklarasyon ni Secretary Leila De Lima na tama lamang ang ginawa nilang pagpigil kay Gng. Arroyo na makaalis ng bansa.

Ani Topacio, naniniwala si De Lima na mas makapangyarihan ang Department of Justice kaysa sa Korte Suprema.

Inakusahan niya ng pagiging diktador ang kalihim at ginagamit umano nito ang posisyon upang bumango ang pangalan, dahil plano nitong tumakbong senador sa susunod na eleksyon.

Samantala, siniguro ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na tapos na ang ginagawang renovation sa presidential suites na paglalagakan kay Arroyo.

Aniya, kaunting renovation na lamang ang kailangan nito dahil ito rin naman ang ginamit noon ni dating Pangulong Joseph Estrada habang nililitis sa kasong plunder.

Bullet proof umano ang mga salamin ng bintana nito kaya siguradong ligtas si Arroyo dito.

Sa kabilang dako, humihirit ng laptop at cellphone si Gng. Arroyo para magamit habang nakakulong sa VMMC.

Ayon kay Elena Horn, elected congresswoman pa rin si Gng. Arroyo at nais nitong ipagpatuloy ang paglilingkod sa kanyang distrito kahit naka-confine sa ospital.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply