Gobyerno walang ginastos sa renovation ng VMMC

KAHIT isang sentimo ay wala umanong ginagastos ang administrasyong Aquino sa pagsasaayos ng presidential suite sa Veterans Memorial Medical Center na siyang magsisilbing detention facility ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Isiniwalat ito ni Elena Bautista-Horn, ang tagapagsalita ni GMA, at aniya’y ang kampo ng dating Pangulo ang gumagastos sa pagpapa- renovate ng presidential suite.

Nagrereklamo si Horn dahil pabagu-bago ang guidelines ng VMMC kaya hindi maiayos ang plano para sa paglilipat sa dating Pangulo.

Isa sa tinukoy nito ay ang pangako ng VMMC na tatapusin ang bathroom sa loob ng 24 oras pero hindi natapos dahil binago ang oras ng trabaho ng mga karpintero na lima hanggang walong oras.

Bukas (Disyembre 8) ay dadalhin naman aniya ang push button bed ni GMA para maaari nya itong i-adjust kahit mag-isa lang sya sa kaniyang kuwarto.

Kinumpirma rin ni Horn na ililipat sa Biyernes (Disyembre 9) ang dating Pangulo sa VMMC sakay ng pribadong sasakyan nito at hindi sa ambulansya pero ayaw nitong magbigay ng detalyadong oras.

Kuntento naman daw sila sa ibinibigay na seguridad ng Philippine National Police at dinagdagan pa nga ito matapos ang mabunyag ang banta sa buhay ng dating Pangulo.

Samantala, inihain na ng oposisyon ang resolusyon sa Kamara de Representantes para igiit na isailalim sa house arrest si GMA.

Ang HR 1964 ay inihain ni House Deputy Minority Leader Danilo Suarez at pirmado ng mahigit 30 miyembro ng minority block.
Ipinaliwanag ng oposisyon na may legal na basehan kung bakit kailangang i-house arrest si GMA sa halip na ilagak sa isang ordinaryong detention facility gaya ng VMMC.

Katuwiran ni Suarez na si GMA ay nagsilbing dating Presidente, bukod pa aniya sa ito ay incumbent congresswoman ng Pampanga at may malalang kondisyon sa kalusugan.

Handa naman ang oposisyon na palagdaan ang resolusyon sa mga taga-suporta ni Presidente Benigno Aquino sa Mababang Kapulungan. Meliza Maluntag

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply