Goodbye?

ANG sabi ni Pang. Noynoy Aquino, bakit mo naman gugustuhin na salubungin ang Bagong Taon ng “goodbye Philippines.” May bago at malakas na paputok na ang tawag ay “goodbye Philippines.”

Sumikat agad ang “goodbye Philippines” dahil napabalita na may isang lalaki ang naputulan ng binti dahil natapakan niya ang nasabing paputok. Ang masakit ay hindi siya ang may-ari ng pa-putok, natapakan lang ito ng biktima na walang kamuwang-muwang na naglalakad lang, kasama ang kanyang pinsan na nagtamo rin ng mga sugat sa katawan.

Taon-taon na lang ay problema natin ito. Malayo pa ang mismong selebrasyon ng Bagong Taon ay marami na agad ang naiulat na biktima ng mga paputok.

Naniniwala ako na sapat ang babala ng gobyerno tungkol sa pag-iingat tuwing ganitong panahon. Hindi rin nagkukulang ang media sa pagre-report ng mga aksidente na gawa ng mga paputok para hindi na pamarisan at para mag-ingat na ang ating mga kababayan.

Hindi natin pinipigilan ang magpaputok, ang iniiwasan lang ay ang may masaktan, may mamatay dahil sa selebrasyon ng paparating na Bagong Taon.  Kaya naman may ipinagbabawal na mga paputok dahil lubhang mapanganib, kasama na nga rito ang “goodbye Philippines.”

Sa pangalan pa lang ay parang dapat nang iwasan talaga ang paputok na ito. Pero marami pa rin sa ating mga kababayan ang gustong lumusot at kinokontra ang babala laban sa mga bawal na paputok.

Isang ginang ang nahulihan na nagtitinda ng isa sa mga bawal na paputok, nang sitahin ng isang reporter ang sagot – hindi akin yan, ipinatitinda lang sa akin. At bakit nya nga itinitinda kung alam nya na bawal?

Mahirap na siguro talagang tanggalin sa ating mga Filipino ang tradisyon ng pagpapaputok tuwing selebrasyon ng pagdating ng Bagong Taon. Hindi naman kasi ipinagbabawal ang ilan sa mga paputok nang walang dahilan. Dapat lang na may kasamang responsibilidad.

Kawawa ang mga biktima lalo na ang mga kagaya nung naputulan ng binti na natapakan lang ang “goodbye Philippines” at hindi naman kanya kaya wala syang nilabag na utos tungkol sa pag-iingat. Ingat naman sana, mga kababayan. Happy New Year sa lahat.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply