Habulin na ang mga ligal at iligal na logger

DAPAT nang simulan ang pagkilala sa mga legal at illegal logger na kabilang sa mga puno’t dulo ng mga delubyo sa mahal kong Pinas.

At isunod dito ang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga ito.

SMALL TIME ILLEGAL LOGGER

Madaling matukoy ang mga small time illegal logger.

Karaniwang kilala ang mga ito ng mga kapitan ng barangay, hindi sila kilala ng mga mayor at gobernador.

Small time illegal logger ang mga walang permiso sa logging, gumagamit ng chainsaw o palakol o lagareng hapon sa pagpuputol ng puno at kalabaw lang ang mga panghila ng mga troso o tabla mula sa mga bundok.

Kung gagamit man ang mga ito ng sasakyan, mga jeepney o maliliit na trak lamang.

BIG TIME ILLEGAL LOGGER

Yung mga bigtime illegal logger ay wala ring permiso.

Kung may permiso man, lumalagpas ang mga ito sa mando ng kanilang mga logging permit o concession o kasunduang pinasok ng mga ito, gaya ng Integrated Forest Management Agreement o Timber License Agreement.

Halimbawa ng paglagpas ng itinatakda sa permiso o kasunduan ay ang pagpuputol ng mga maliliit na kahoy at hindi lang ng mga malalaking kahoy.

Kung ang itinatakda ng Department of Environment and Natural Resources na sukat ng troso na pupuwedeng putulin ay dalawang piye lang ang lapad pataas,  idinadamay nila ang mga mas payat dito at idinideklarang mga dulo ng mga malalaking troso.

Kasama sa mga gawain ng mga bigtime illegal logger ang pagputol sa mga iniingatang puno gaya ng narra.

Bahagi rin ng gawain ng mga ito ang pagsuhol sa mga scaler o tagasukat ng troso ng DENR para tumahimik ang mga ito sa kanilang iligal na gawain.

At may natatanggap nga tayong ulat na mismong gamit ng mga illegal logger ang ilang barko ng gobyerno sa pagbibiyahe ng troso sa ibang bansa.

ILLEGAL LOGGER GAMIT ANG IFMA

Wais ang mga illegal logger, mga Bro.

‘Di ba karaniwang walang putulan ng kahoy sa Integrated Forest Management Agreement?

Nilalaman kasi ng IFMA ang pag-aalaga ng mga punongkahoy at pagtatanim na rin hanggang sa pupuwede nang anihin ang mga troso na muling papalitan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga bagong puno.

Anak ng tokwa, nagagawan nila ng paraan na makapagputol sila ng troso at magmukhang ligal.

Dahil ligal ang kanilang pagtotroso, natural na walang checkpoint sa mga ito.

KARANIWANG PULITIKO

Karaniwang malalaki, maiimpluwensiya at kinatatakutang pulitiko ang mga illegal logger.

Kung hindi sila mismo ang mga illegal logger, kasabwat sila ng mga may konsesyon o kontraktor sa logging na ligal at iligal o yung mga may minahan.

Matatagpuan sa halos lahat ng lugar sa Pilipinas ang mga illegal logger na ito at sila pa ang mga nananalo sa halalan.

Sila ang may lakas ng loob na gamitin ang ilang pasaway na miyembro ng militar, pulisya at CAFGU bilang mga escort sa kanilang logging activity.

Pustahan pa tayo.

SUKI NG MGA ILLEGAL LOGGER

Negosyante ng lumber ang mga suki ng mga illegal logger.

Suki rin nila ang mga gumagawa ng furniture.

At alam ba ninyo na maraming opisyal ng gobyerno ang may-ari ng mga tinatawag na sash and furniture shop?

Karaniwang galing sa mga illegal logger ang suplay ng mga ito ng kahoy.

Magtanong pa kayo sa mga illegal logger na small time at big time.

LEGAL LOGGER

Karaniwang big time ang mga legal logger.

Buldoser, trak, chainsaw at iba pang malalaki at modernong makinarya ang gamit ng mga ito.

Gumagamit ang mga ito ng mga barko para ibiyahe ang kanilang mga troso at tabla.

Pero alam ba ninyo ang mga iligal na ginagawa ng mga ito?

Kabilang sa mga kailigalan ng mga ito ang pagpuputol maging ng mga maliliit o bawal sa sukat na puno.

Bukod sa area na may ligal silang pahintulot na mag-logging, kinakalbo rin nila ang mga hindi nila sakop.

Karaniwan ding may atas sa mga ito na magkaroon ng mga nursery ng mga puno para magtanim sila sa mga logging area.

Pero pandisplay lang ang mga ito.

Hindi nagtatanim ng puno ang mga ito gaya ng mandato ng DENR sa kanila.

Para malakihan ang kanilang operasyon, karaniwang sinusuhulan nila ang mga taga-DENR para pumirma sa mga malalawak na lugar na kanilang area of operation.

DENR LUNGGA NG MGA KORAP

Kahit tanungin ninyo ang mga tumatahak ng matuwid na daan, may mga regional director ng DENR, PENRO at CENTRO na milagrong pumipirma sa mga papeles ng mga legal logger.

At kung legal logger ang mag-operate, ligal na ligal ang kanilang mga pagkakalbo ng mga bundok at kagubatan.

Wala nang bawal-bawal lalo’t karaniwan namang walang forest guard na pumapasok sa mga kagubatan upang tatakan o markahan ang mga troso na bawal putulin.

HABULIN SILA

O Pangulong Noy, sapat na siguro ang mga pinagsasabi natin dito na panimulang dahilan upang kumilos ang mga kinauukulan na kilalanin, imbestigahan at panagutin ang mga logger sa mga delubyo na nagaganap sa mahal nating bansa.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply