Hakot-basura ni FG sa karagatan nabuking

NABUKING ang pagbibigay ng karapatan ng Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG) sa isang kompanyang pag-aari ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo upang humakot ng basura na nakukuha sa karagatan ng Manila Bay.

Sa idinaos na Balitaan sa Aloha kahapon, mismong si Atty. Rey Bagatsing ang nagtanong kay PCG Commander Admiral Ramon Liwag kung saan itinatapon ang mga nakukuhang basura sa karagatan kabilang ang mga langis na buhat sa mga naglalayag na barko.

Ibinatay ni Bagatsing ang kanyang katanungan sa inilabas na kautusan ng Korte Suprema sa mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang PCG, para mapangalagaan ang kalinisan ng baybaying dagat batay na rin sa nakasaad sa ilalim ng Maritime Pollution Law.

Aminado si Liwag na ang kompanyang Golden Dragon, na aniya ay kinumisyon ng PPA, ang naupahang humakot ng basura sa karagatan subalit hindi naman niya masagot kung saan ito itinatapon bagama’t sa kanyang pagkakaalam ay isinasailalim sa “treatment” ang nakukuhang langis at nagsusumite rin sila ng ulat tuwing ikatlong buwan ng taon sa ehekutibo.

Hindi naman tinutulan ni Liwag ang pahayag ni Bagatsing na pag-aari ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang Golden Dragon na umano ay pinangangasiwaan ng isang kontrobersiyal na retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na may inisyal na CM.

Tiniyak naman ni Liwag na mananagot sa batas ang may-ari ng naturang kompanya kung mapapatunayan na hindi maayos at taliwas sa umiiral na Environmental Law ang pamamaraan ng pagtatapon nila ng basura na nakokolekta sa karagatan.

Sinabi naman ni Lolly Acosta, moderator sa ginanap na balitaan na kailangang matutukan ng media ang paglilinis ng mga ahensiya ng pamahalaan sa mga baybaying dagat upang matiyak na matutugunan ng maayos ang inilabas na kautusan ng Mataas na Hukuman.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply