Harley Davidson, pirated DVD huli sa X-ray ng Customs

SUSPENDIDO ang accreditation ng dalawang importer at mga broker nito at mahaharap sa mga kaso ng ismagling matapos ipag-utos ni Commissioner Ruffy Biazon ng Bureau of Customs ang pagsamsam sa mga pirated DVD na nagkakahalaga ng P36.5 milyon at isang top-of-the-line Harley Davidson na may halagang P1.5 milyon at idineklarang mga gamit pambahay sa isang 40-footer na container van na nasabat ng X-Ray Division sa Port of Manila.

Nahuli ang mga ito sa pamamagitan ng mga X-ray machines ng BOC sa pamumuno ni Atty. Lourdes Mangaoang matapos dumaan ang container van sa pagsusuri sa bahaging ito ng Customs.

Naka-consign umano ang 100,000 piraso ng DVD na idineklarang mga house ware sa Reachable Enterprises samantalang ang Harley Davidson ay naka-consign sa Blue Star Worldwide na idineklarang personal effects.

Ayon kay Mangaoang, ang pagkakabit ng 30 X-Ray machines sa lahat ng international ports of entry ng bansa simula pa noong 2007 ay nakapagtala na ng P16 bilyong halaga ng mga nakumpiskang smuggled goods.

Isasailalim umano ang mga nasamsam na kontrabando sa Auction and Cargo Division sa utos ni Port of Manila district collector Rogel Gatchalian.

Sinabi naman ni Biazon na ima-maximize ng ahensya ang mga resources nito sa lahat ng aspeto mula sa mga tauhan, teknikal at legal sa patuloy na kampanya ng BOC laban sa smuggling. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply