Hepe ng CSTD sinibak ni MMDA Chairman Tolentino

MAKARAANG ipetisyon ng mga kasamahang traffic enforcers dahil sa umano’y pagpapamalas ng kalupitan, sinibak na sa puwesto ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino si Ret. Gen. Maximino Dilla bilang hepe ng Commonwealth Special Traffic District (CSTD).

Sa isang panayam kay Tolentino makaraang dumalo sa pagpapasinaya ng itinayong Hall of Justice sa Muntinlupa City kanina, sinabi niya na inilagay na muna niya sa floating status si Dilla habang pinanatili sa puwesto bilang deputy ang traffic aide 3 na si Jerome Bolivar.

Si Bolivar ang itinuturo ni Dilla na pasimuno sa pagpapakalat ng petisyon na umano’y nilagdaan ng mahigit 80 traffic aide na ang iba ay pumirma lamang sa pag-aakalang makatatanggap sila ng kaukulang benepisyo sa pinalalagdaang papel.

Tiniyak naman ni Tolentino na maraming ulo pa ang gugulong sa pagpasok ng susunod na taon dahil iniutos na aniya niya ang pag-iimbestiga sa nabulgar na “kotongan” sa mga illegal terminal at loading bay sa Ever Gotesco at Don Antonio na ang nakikinabang ay ang mga tiwali niyang tauhan.

Aminado naman si Tolentino na hindi muna magagalaw sa ngayon ang mga traffic enforcer na kanyang itinalaga sa naturang lugar dahil sa dami pa ng kanilang kakaharaping problema sa daloy ng trapiko lalo na ngayong papasok na ang panahon ng Kapaskuhan.

Nauna ng inakusahan ni Dilla si Bolivar na umano’y pasimuno ng pangongolekta ng tong sa mga barker sa mga loading bay at illegal terminal sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na nagiging sanhi ng pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko.

Ginawa ni Dilla ang akusasyon bilang resbak niya sa ipinakalat na petisyon ni Bolivar na humihiling na masibak siya sa puwesto dahil sa pagmamalabis sa tungkulin at pananakit sa mga traffic aide.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply