Hirit na cellphone, laptop ni GMA inalmahan

MISTULANG inalmahan ni Sen. Gregorio Honasan ang hirit ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na magkaroon ng cellphone at laptop sa loob ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) at pinayuhan na sundin na lamang ang kautusan ng Pasay City Regional Trial Court.

Sinabi ni Honasan na kung ipinagbawal na ni Judge Jesus Mupas ang pagdadala ng cellphone at laptop ng dating Pangulo sa panahon ng hospital arrest nito, marapat lamang na sundin ito imbes na palagan.

Ngunit kung bagong kama, telebisyon o refrigerator ang gustong dalhin ni Gng. Arroyo sa presidential suite nito sa VMMC, sinabi ni Honasan na marapat lang naman siguro na pagbigyan ito ng korte.

Idinagdag pa ni Honasan na hindi na dapat magreklamo pa si dating Pangulong Arroyo sa pagdadalhan sa kanya sa VMMC dahil hindi hamak na mas maganda naman ito kaysa sa ibang detention facility tulad ng Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.

Matatandaan na sa Fort Sto. Domingo, ang training facility ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP), kinulong sina Honasan, dating Pangulong Joseph Estrada at Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply