‘Human error’ sanhi ng Parañaque plane crash

INIHAYAG ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na malapit nang matapos ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa eroplanong bumagsak kamakailan sa isang lugar sa Parañaque City na kumitil ng 14 katao at ikinasugat ng 11.

Sa naging obserbasyon ng CAAP sa kanilang pananaliksik at pag-iimbestiga,  pangangalap ng detalye mula sa mga nakasaksi, lumalabas na tila nagmamadali ang piloto na maibalik ang eroplano sa airport.

Ang nasabing eroplano na twin-engine Beechcraft Queen Air na may registry number RP-C824 ay patungong San Jose, Mindoro, pero hindi pa inakalalayo sa runway 13-31 ay tumawag ang pilotong si Capt. Timoteo Aldo sa control tower para humingi ng clearance para ibalik ang eroplano sa runway sanhi sa mechanical trouble.

Sa nakalap ng CAAP, nasa 200 talampakan pa lamang ang altitude ng eroplano nang lumiko pakaliwa.

Ayon kay CAAP Ramon Gutierrez, kailangang nasa 400 feet hanggang 1,000 feet ang taas ng eroplano bago mag-maneuver pabalik sa airport, subali’t kinapos ito at bumulusok hanggang bumagsak sa F. Serrano Elementary School at nadamay ang kabahayan ng informal settlers.

Aniya, maaaring kakulangan sa gas o hindi puro ang aviation fuel na ikinarga sa Beechcraft Queen Air na nag-back fire ang makina habang nasa ere ang eroplano, subalit, walang binanggit ang mga opisyal ng CAAP kung maayos na tsini-check ang makina o di kaya’y palaging dumadaan sa maintenance ang nasabing sasakyang panghimpapawid.

“The plane is flying efficiently before the crash,” anang Gutierrez, dagdag pa nito, wala pang naiulat na problema tungkol sa bumagsak na Queen Air.

Ang eroplano ay pag-aari ni Capt. Fidel Hembrador at nirerentahan ito ni Capt. Arthur Velasquez, operator ng Aviation Technologies Innovators, para gamitin bilang cargo plane.

Pero, naghahabol na ngayon ang pamahalaan ng Parañaque at mga opisyal ng Brgy. Don Bosco para papanagutin ang may-ari sa naturang trahedya.

Hinihimok na nila ang may-ari at ang tumatayong operator ng Aviation Innovators Technologies na sagutin na ang mga pangangailangan ng mga taong nadamay sa plane crash.

Sa kabila nito, sinabi ng CAAP na wala pa silang final report hinggil sa isinagawa nilang imbestigasyon, pero, may binanggit sila na human error ang tanging dahilan ng nasabing aksidente.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply