Illegal gambling muling nagbalik

KUNG sinabi noon ni Mayor Calixto sa kanyang memorandum laban sa dating hepe ng pulisya ng Pasay City na tutol siya sa lahat ng uri ng illegal gambling at kinakailangang maitigil ang mga ito, aba’y hindi na ngayon.

Nag-iba na ang tono ni Calixto.

Sa pamamagitan ng bendisyon niya, muling nabuksan ang operasyon ng lotteng, bookies at maging ang pesteng video karera, na ang karaniwang mga biktima ay pawang mga menor-de-edad na mag-aaral, kasama na ang napakaraming tambay na kabataan.

Isang nagngangalang Carlo ang itinuturong pinansyer ng lotteng habang si Len Aguado naman, kapatid ng isang miyembro ng Pasay City police, ang may sagot sa bookies.

Sino naman kaya itong Kapitan Borbi na itinuturong “utak” umano ngayon ng video-karera sa Pasay?

Kaya pala maraming magulang, partikular sa Malibay at Maricaban, ang nagagalit ngayon kay Calixto dahil muling nagsulputan ang VK sa kanilang lugar.

Wala na raw bang maisip na programa itong si Mayor Calixto at ang kanyang kapatid na si Congresswoman Emi Calixto-Rubiano para mailayo ang mga kabataan sa maling gawain katulad ng pagsusugal sa video-karera na nakaaadik talaga sa mga kabataan?

Dapat sigurong iparating din ang tanong na ito kay Moti Arceo, ang hepe ng Pasay Traffic and Parking Ma-nagement Office.

‘Yan ay kung totoong si Moti ang kausap ng lahat ng operators ng illegal gambling ngayon sa buong Pasay City!

* * * * * * * * *

Hayaan naman nating ihayag ng ating mga mambabasa ang kanilang mga nalalaman, karanasan at paniniwala at narito ang kanilang mga mensahe.

BOOKIES SA LIKOD NG BRGY. HALL

Good am po.

Wala na po bang pag-asa na masugpo itong mga bookies dito sa amin sa Brgy. 598, Zone 59, District 6 sa Maynila?

Napakagrabe na po kasi ang sitwasyon  sa aming lugar.

Tadtad po ng bookies.

Sa likod nga lang po ng aming barangay hall ay dalawa ang tayaan.

Subukan n’yo pong umikot sa loob ng aming barangay at tiyak na marami kayong makikita pang bookies.

Marami rin pong grupo ng akyat-bahay at tirtir dito sa amin. (0947496——)

REKLAMO VS ALECO

Good morning po.

Tagarito po ako sa Polangui, Albay.

Sawang-sawa na po kami sa ginagawa ng mga taga-Aleco (Albay Electric Cooperative) dito sa amin.

Halos lahat ng consumer dito hindi na makahinga sa malalaking bill ng aming kuryente.

Sana po ay matulungan n’yo kami. Maraming salamat po! (0910862—-)

* * * * * * * * *

Anomang reklamo. komento o suhestiyon, i-text o itawag lang  sa 09994333437; 0927847-3781 at 09224346131 o kaya’y i-email lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply