Illegal gambling sa Pasay ‘di maikakaila ni Calixto

HINDI puwedeng ipagkaila ni Pasay City Mayor Tony Calixto na nagbigay siya ng go-signal sa muling pagbubukas ng operasyon ng iba’t ibang klase ng illegal gambling sa lungsod.

Sa katunayan, lalong dumami pa ngayon ang mga puwesto ng bookies ng karera ng kapitalistang si Len Aguado, na kapatid ng isang miyembro ng Pasay City police.

Ayon sa espiya natin sa loob ng kampo ni Calixto, ito’y matapos magbigay si Aguado ng P200,000 bilang “goodwill money” sa isang opisyal na pulis na matapos malagay sa “floating status” ay pilit pa ring umeepal sa tabi ni meyor.

Ito ang pinagmulan ng kuwentuhan ng mga kaibigan nating lespu sa Pasay na nabukulan ng naturang opisyal ang kanyang hepe na si Col. Melchor Reyes at ang sipsip na kanang-kamay ni Calixto na nangangasiwa rin sa “tong” koleksyon mula sa mga iligal na terminal sa lungsod.

Isa pa, hindi talaga puwedeng ipagkaila ni Calixto ang pagbubukas ng illegal gambling sa Pasay dahil mismong bahay ng kanyang photographer sa Leveriza St. ay ilang linggo na ring gamit bilang puwesto ng bookies sa karera ni Aguado.

Una nang isinumbong sa akin ito ng isang kaibigan ni Calixto na labis na tinabangan sa alkalde dahil sa naging paninindigan nito ngayon kontra illegal gambling.

Kung inyo kasing matatandaan, nag-isyu pa ng official memorandum noon si Calixto laban sa dati niyang hepe ng pulisya – si Col. Napoleon Cuaton – na mariing nag-uutos na itigil sa lalong madaling panahon ang operasyon ng mga illegal gambling sa lungsod sa kadahilanang isang tauhan umano nito ang itinuturong may pakana ng lahat.

Tumugon naman si Col. Cuaton. Nahinto ang lahat ng iligal na sugal sa Pasay na tumagal din ng may ilang buwan hanggang sa siya ay palitan ni Col. Mechor Reyes.

Tanong ko ngayon kay Mayor Calixto: Kaya mo ba muling mag-isyu ng memo sa bago mong hepe ng pulisya para matigil ang lahat ng sugal ngayon sa Pasay?

Bukod sa bookies, humahakot din ng mahigit sa P150,000 kubransa araw-araw ang operasyon ng lotteng nitong isang nagngangalang “Carlo” na ang kausap din ay ang mismong sipsip na kanang-kamay ni Calixto.

Pinakamasahol ay ang biglang pagkalat ng mga butas ng pesteng “video karera” sa Malibay, Maricaban at iba pang mga lugar sa Pasay. (Itutuloy)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply