Illegal logging nga ba?

HINDI biro ang bilang ng buhay na kinitil ng sakuna nang matinding pagbaha sa Cagayan de Oro at Iligan City na ikinagulat ng marami hindi lang ng mga mamamayan ng Luzon kundi maging ng Visayas at higit ng Mindanao.

Naunang isinisi sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang trahedyang naganap bago pa man magsaya ang mga tao bunga ng pagdiriwang ng araw ng Pasko.

Hindi umano natantiya ng mga kinauukulan sa PAGASA ang dami ng tubig na dulot ng bagyong Sendong na tinayang mas malakas at mas malupit pa sa Bagyong Ondoy noong 2009.

Winarak ni Ondoy ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan habang sinalanta ni Sendong ang bahagi ng Mindanao.

Hindi inasahang magiging napakalakas ni Sendong dahil bihira namang dalawin ng bagyo ang katimugang bahagi ng Pilipinas hindi katulad ng Hilagang bahagi nito at maging ang Gitnang Luzon na halos taon-taon ay iginugupo ng bagyo.

Matinding kahihiyan ito sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino dahil inalisan niya ng career ang taong ibinuhos ang buong buhay niya sa pagtitiyaga sa mga aparato ng PAGASA maibigay lang ang kanyang kaalaman upang mailigtas ang mga tao sa mga sakunang taon-taon na lang ay dumadalaw sa bansa.

Ipinalit ni PNoy ang mga taong inaakala niyang maaasahan.

Ngayon naman, itinuturo ang illegal logging sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na sanhi ng naganap na matinding pagbaha na ikinasawi ng mahigit isang libong katao.

Nag-utos na ng imbestigasyon ang Pangulo upang mapanagot ang mga may kasalanan.

Nanindigan si PNoy na pagbabayarin ang sinomang mapatutunayang lumabag sa batas kaugnay sa pagpuputol ng mga punongkahoy.

Ipinagagamit ni Pangulong Aquino ang lahat ng kapangyarihan at puwersa ng pamahalaan upang maipatupad ang batas hinggil sa illegal logging.

Pero bakit nga ba sanay na ang Filipino na saka lang kikilos kapag may nangyari na?

Dapat sana, pag-upo pa lang ni PNoy ay ipinatupad na niya ang mga pagbabago tungo sa “Daang Matuwid.”

Sa kasalukuyan, puro pagtuturuan ang nangya-yari at pagtatakip sa kasalanan ng kani-kanilang tauhan.

Kanya-kanyang pagtatakip upang huwag sumingaw ang baho ng kani-kanilang mga amo.

Sa bandang huli, tiyak na ang sisisihin ay ang mga nakaupo noong nakaraang administrasyon.

Ibabato na ang sisi sa mga hindi na nakapuwesto.

Bukod pa rito, pagpapapogi naman ang igagawad sa mga opisyal na kanilang ipinuwesto.

Ito ang patunay na ang pulitika sa Pilipinas ay pana-panahon o weather-weather lang.

Sorry sa mga galing sa nakalipas na administrasyon at “welcome” sa mga itinalaga ng kasalukuyang administrasyon.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal?

Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply