Illegal logging sinisi sa Mindanao flashfloods

NANINIWALA ang isang obispo ng Simbahang Katolika na “illegal logging” ang dahilan ng naganap na flashfloods sa ilang lugar sa Mindanao na nagresulta sa pagkasawi ng daan-daan katao at pagkasira ng milyun-milyong halaga ng ari-arian.

Ayon kay Iligan Bishop Elenito Galido, na kitang-kita na nagkalat sa mga kalsada sa bawat barangay sa Iligan City ang mga inanod na troso mula sa kabundukan.

Umaasa rin ang obispo na magsisilbing leksiyon sa lahat na buhay ng tao ang kapalit sa pang-aabuso ng tao sa kalikasan at kapaligiran.

Kaugnay nito, iginiit ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na dapat na managot ang mga opisyal ng pamahalaan na nagpabaya sa nangyaring pagbaha sa Mindanao.

Ayon kay Ledesma, mabuting tingnan ng pamahalaan ang insidente upang maalis sa puwesto ang mga pabayang opisyal at hindi na muling maulit pa.

Sinabi pa ng arsobispo na paiimbestigahan rin nila ang insidente dahil matagal na nilang ipinanawagan sa gobyerno na pagkalooban sila ng water shed o water basin protection, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito natutugunan ng pamahalaan.

Ang Iligan City at Cagayan de Oro ang dalawang lugar sa Mindanao na pinaka-naapektuhan ng flashfloods na dulot ng bagyong Sendong.

Umaapela rin ng tulong ang mga obispo para sa mga biktima ng bagyo sa kani-kanilang lugar.

Daan-daang katao ang nasawi sa mga naturang lugar at libu-libong residente ang nangangailangan ng pagkain, damit, gamot at matitirhan matapos na anurin ng flashfloods ang kanilang mga tahanan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply