Ipasa na ang RH bill

MABUTI naman at sa kabila nang agresibong kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon at nagsimula na ngang masapol si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay hindi pa rin nakalilimutan ni Pangulong Benigno Aquino III ang ibang mga mahahalagang isyu.

At ang isa sa mga prayoridad niya, maliban sa pagpapakulong kay GMA, ay maipasa na sa lalong madaling panahon ang kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill na kasalukuyang nakasalang sa plenary debates sa Kamara. Ibinulong sa akin ng mga kontak natin sa Kamara na kina-usap na raw ni Pangulong Noynoy si Speaker Sonny Belmonte na madaliin na ang pagpapasa ng nasabing panukalang batas.

Matatandaan na ang pagpasa sa RH bill ang isa sa ipinangako ni Noynoy noong panahon ng kampanya at mabuting hindi pa niya nakalilimutan ito.

In fairness kay Pangulong Noy ay consistent naman siya sa paninindigan niya na ang tamang pagpaplano ng pamilya ang isa sa mga solusyon para makaahon sa kahirapan ang ating bansa.

At huwag nating kalilimutan na binata pa at hindi pa nagkaanak kahit kailan si Pangulong Noynoy pero desidido siya na suportahan ang panukalang batas na ito.

Ang problema nga lang ay mahigpit itong tinututulan ng Roman Catholic Church na siyang pinakamalaking sekta dito sa bansa.

Gusto kasing palabasin ng mga Katolikong pari na magagamit ito para gawing ligal ang abortion at ito rin anila ang susi para maging laganap ang extra at pre-marital sex sa mga magkakarelasyon.

Sa totoo lang ay pinaninindigan na lang ng simbahan ang kanilang pananaw pero para sa akin ay walang katotohanan at walang basehan ang mga ito.

Ang totoo niyan ay sang-ayon na nga ang iba pang malalaking mga grupo ng pananampalataya sa bansa gaya ng maimpluwensiyang Iglesia ni Cristo at maging ang iba’t ibang grupong Protestante sa RH bill.

Sa madaling salita ay halos nag-iisa na lang ang mga Katoliko sa kanilang stand subalit dahil sa marami nga silang tagasunod ay naoobliga ang marami pa ring mga kongresista na sumunod sa gusto nila. At iyon ang dahilan kung bakit patuloy na naaantalang maaprubahan bilang batas ang panukala.

Nakatatawa talaga ang nangyayaring ito sapagkat kung iisipin ay saradong Katoliko si Pangulong Noynoy dahil pinalaki siya nang nanay niya na si dating Pangulong Cory sa paniniwalang ito.

Subalit hindi niya inalintana ang sasabihin ng simbahan dahil alam niya na tama siya sa paniniwalang ang RH bill ay malaki ang maitutulong para mapaunlad ang buhay ng mga Pinoy.

Mabuhay ka PNoy.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply