Janelle Manahan humihingi ng karagdagang proteksyon

HUMILING ng karagdagang proteksyon sa mga awtoridad ang kampo ni Janelle Manahan, kasintahan ng pinaslang na si Ramgen Revilla-Bautista, upang bigyan sila ng seguridad sa kanilang pagtungo sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa darating na Martes (Disyembre 13) para dumalo sa preliminary investigation sa nangyaring krimen.

Ayon kay Atty. Luke Espiritu, abogado ni Manahan, maliit at masikip ang tanggapan ni Assistant City Prosecutor Leah Roma kaya’t mahihirapan ang kanyang kliyente na kumilos ng maayos lalo na at hindi pa masyadong magaling ang tinamo niyang sugat matapos na operahan sa pisngi sanhi ng tama ng bala.

Dumudugo pa aniya ang operasyon sa pisngi ni Manahan at hindi pa siya puwedeng makipagsiksikan kaya’t kinakailangan nila ang tulong ng pulisya upang makakilos at makagalaw ng maayos ang kanyang kliyente.

Magugunita na inakusahan ni Manahan ang ina ni Ramgen na si Genelyn na sumasailalim sa matinding depresyon at schizophrenia at sila pa ng kasintahan ang nagpapa-inom dito ng gamot na mariin namang pinabulaanan ng ina ni Ramgen.

Sinumbatan din ni Genelyn si Manahan at sinabing sa loob ng mahabang panahon na pananatili ng dalaga sa kanilang pamilya ay minahal din nila ito at itinuring na parang tunay na anak subalit nakapagtataka na idinidiin pa ngayon ang kanyang mga anak sa nangyaring krimen.

Buwelta naman ni Manahan, nagsasabi lamang siya ng katotohanan at wala siyang hinanakit sa ina ng kanyang kasintahan.

Ang tangi lamang aniya niyang layunin ay ibunyag ang katotohanan upang mabigyan na rin ng katarungan ang pagkamatay ng kasintahan at muntik na rin niyang pagkamatay.

Sinabi pa ni Manahan sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Espiritu na naniniwala siyang tanging sina Maria Ramona at Ramon Joseph lamang ang magsisilbing susi sa ikalulutas ng kaso, lalo na at nasa loob din ng bahay ang kapatid na babae ni Ramgen nang mangyari ang krimen.

Kanina ay inihayag din ni Atty. Espiritu na bigo pa rin sila na makamit ang hinihirit sa Department of Justice (DOJ) na mapasailalim sa witness protection program si Manahan bagama’t patuloy aniya silang umaasa na aaksiyunan ito ni Justice Secretary Leila de Lima.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply