Kabahayan inararo ng inanod na troso– survivor

MALIBAN sa matinding pagbaha, isa ring dahilan ng pagkawasak ng daan-daang kabahayan sa Iligan City ay ang pagragasa ng malalaking troso na bumaba ng lunsod mula sa kabundukan.

Sinabi ni Rene Relise ng Purok Duran, Sta. Filomena, Iligan City, isa sa nakaligtas sa delubyo, na labis ang kanyang pagkagulat at hindi makapaniwala sa pangyayari dahil sa napakabilis na pagtaas ng tubig.

Nangyari umano ito noong Biyernes ng hatinggabi, kaya umakyat sila ng bundok na 100 metro ang layo mula sa kanilang lugar upang dalhin doon ang ilang mga kabataan.

Pero napakabilis pa rin umano ng paglaki ng tubig dahil sa kanilang pagbalik ay biglang lampas tao na ang baha at ilang sandali pa ay umapaw na rin ng hanggang bahay ang taas ang baha.

Mistula pa umanong nahati sa tatlo ang ilog sa kanilang lugar dahil humambalang sa lugar ang mga naglalakihang mga troso (kahoy) na inanod mula sa bundok.

Kuwento pa ni Mang Rene, kahit ang mga kongkretong bahay ay na-wash out dahil sa lakas ng pressure ng tubig na may rumaragasang mga troso.

Samantala, binigyang-diin ngayon ng gobyerno na napatunayan sa Region 10 tragedy ang kahalagahan ng ipinatupad ng total log ban sa buong bansa.

Magugunitang isa sa sinisising dahilan ng flashfloods sa Cagayan de Oro at Iligan City ang illegal logging at pagmimina sa lugar.

Inihayag ni Environment Secretary Ramon Paje na dapat mapagtanto ngayon ng mamamayan na tama ang log ban dahil kalbo na ang mga kabundukan.

Ani Paje, puspusan ang kanilang implementasyon sa deklarasyon ni Pangulong Benigno Aquino III at marami na ang kanilang nakakasuhan.

Sa ipinatawag na Cabinet meeting ngayong araw, magbibigay umano ng update si Paje kay Pangulong Aquino hinggil sa sitwasyong pangkalikasan sa Region 10.

Nabanggit pa ni Paje na isa sa kanilang problema ang ibang posisyon ng environment secretary ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Bagama’t pinaiiral umano ng national government ang total log ban, ay nagbibigay pa rin ng logging permit ang ARMM environment secretary sa kanyang nasasakupan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply