Kalbong kabundukan at inutil na taga-DENR

ALAM ba ninyo na may natatagpuang mga puno ng mangga na 300 taon na ang edad? Alam din ba ninyo na ang puno na may dalawang metro ang lapad at umaabot ang taas sa 40 metro ay nagtataglay ng 120,000 litro o 750 dram ng tubig?

Tinatanong natin ito kaugnay ng mga grabeng pagbaha sa repablik ni Juan.

Ayon sa mga na-Sendong sa Cagayan de Oro, Iligan at iba pang lugar, galing ang mga baha nila mula sa mga kabundukan na halos pawang mga kalbo na. Ganito rin ang kuwento ng mga taga-Central Luzon na na-Pedring kamakailan. Ganito rin ang nangyari sa Rizal, Laguna, Bulacan at Metro Manila na na-Ondoy.

oOo

Simple lang talaga ang aral na mapupulot ukol sa mga grabeng pagbaha, Suki.

Wala nang gaanong puno sa ating mga kabundukan. Wala na ang mga malalaking puno na sumisipsip sa mga tubig ulan. Wala na ang mga daan-daan ang edad na mga puno na kung tutuusin ay daan-daang taon na proteksyon natin laban sa baha.

Kaya kung bumaba mula sa kabundukan ang tubig ulan, kalamidad ang ating inaabot.

oOo

Ang mga logger, ligal at iligal, ang may sala sa pagkakalbo ng mga bundok. Ang mga logger ang may sala sa mga kalamidad na ikinamamatay ng libo-libong lahi ni Juan taon-taon at ikinasisira ng mgaa ari-arian at kabuhayan ng milyon-milyong katao.

Sino-sino at nasaan ang mga logger? Aba, kilala at alam kung nasaan ang mga ito ng mga taga-DENR, sundalo at pulis.

Ano-ano ang mga ginagawa ng mga awtoridad sa mga logger?

Bakit walang naipakukulong ang mga ito para kahit papaano ay mabawasan ang mga salot na ito sa lipunan?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply