Kampo ni GMA at supporters ni PNoy nagkainitan sa isang forum

NAGKAINITAN ang mga tagasuporta ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III at kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kalagitnaan ng isang forum na pinangunahan ng National Press Club (NPC) kanina.

Kung diretsahang binanatan ni Pangulong Aquino si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona kahapon (Disyembre 5) ay walang kaabog-abog ding tinira ng abogado ni Ginang Arroyo na si Atty. Ferdinand Topacio si Pangulong Aquino at sinabihan na wala itong modo.

Sinabi ni Topacio na wala sa lugar at hindi tama ang mga maiinit na patutsada ni Pangulong Aquino kay Corona.

Ayon pa sa tagapagsalita ni Gng. Arroyo, hindi magandang ehemplo si Pangulong Aquino sa mga kabataan.

Hindi rin aniya makabubuti sa bansa ang bangayan ng ehekutibo at ng hudikatura.

Binuweltahan naman ng tagasuporta ni Pangulong Aquino ang mga patutsada ng kaalyado ni Arroyo.

Depensa naman ni Black and White Movement convenor Leah Navarro na nagsasabi lamang ng totoo ang Pangulo at mas mainam na sinabi nito ang kaniyang mga kritisismo sa Korte Suprema kaysa bumanat ng patalikod.

Binatikos naman ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list Rep. Antonio Tinio ang aniya ay pagtatangka ng dating Pangulo na tumakas ng bansa para talikuran ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Higit na uminit pa ang bangayan ng magkabilang panig nang sagutin ito ni Atty. Topacio at tawaging “disgraceful” o kahiya-hiya si Tinio at hindi dapat na nagbibigay ng pahayag na espekulasyon lang.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply