Karnabal ni Calixto dapat busisiin ng COA

KUNG inyong mapupuna, isang pipitsuging karnabal ang itinayo di-kalayuan sa tapat ng SM Mall of Asia. Sumbong sa akin ng mga nakaiintindi sa perya, isang Rodel Erum mula sa Pangasinan ang nangapital sa karnabal na ito na matatanaw di-kalayuan sa panulukan ng Macapagal Avenue at EDSA extension.

Ayon sa mga katoto natin sa Pasay City Hall, proyekto raw ito ni Mayor Tony Calixto at layunin niya na mabigyan ng kasiyahan ang mga taga-Pasay sa murang halaga ng libangan, gaya ng mga “ride.”

‘Di hamak daw kasi na mas mura ang presyo nito kumpara sa dinarayong mga sikat na karnabal sa CCP complex at sa Sta. Rosa, Laguna. Aprub na sana sa akin ang proyektong ito ni Mayor Calixto pero may napuna tayong mga butas sa sinasabing kontrata nito.

Una, dumaan ba sa tamang proseso ang karnabal? Pangalawa, hindi ba agrabyado ang pamahalaang-lokal ng Pasay sa transaksyong ito? Pangatlo, dokumentado ba mula puno’t dulo ang transaksyong ito?

Mangyari kasi, ang lupang kinatitirikan ng nasabing karnabal ay pag-aari ng pamahalaang-lokal ng Pasay.

Ang lupaing nabanggit – na may sukat na halos isang ektarya – ay ipinagkaloob sa lungsod ng Philippine Reclamation Authority (PRA) may ilang taon na ang nakararaan bilang bagong lugar o puwesto ng bagong city hall ng lungsod.

Ngunit  kinalauna’y nahinto ang planong ito matapos maging kontrobersiyal bunga ng umano’y katiwalian. Ngayon, kung ang nasabing lupain ay pag-aari ng pamahalaang-lokal ng Pasay, hindi ba’t marapat lang na magkaroon ng boses ang mamamayan ng lungsod sa pamamagitan ng mga konsehal na kumakatawan sa kanila?

* * * * * * * * *

Ayon sa impormante ko, gabundok ang anomalyang bumalot sa transaksyong napagkasunduan ng kapitalista at umano’y ni Mayor Calixto na kinatawan ng dalawang abogado na kapwa may mataas na katungkulan sa city hall.

Wala raw ipinag-iba ang transaksyong ito sa kuwestiyonableng pagkakaupa ng isang pribadong kompanya sa naluluging Pasay City Mall.

Katulad ng nasabing mall, walang public hearing at bidding na isinagawa para paupahan ang nasabing lupain. (Itutuloy)

Anomang reklamo, komento o suhestiyon, i-text o i-tawag lang  sa 09994333437; 09278473781 at 0922-4346131 o kaya’y i-email sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply