Kasangga sa kalungkutan (2)

KAAKIBAT ng kaginhawaan ni Chef Von ang kalungkutan bunga ng pagiging malayo sa mga mahal sa buhay.

“Dati bilang isang simpleng mamamayan sa Pilipinas, sakto lang yung sinasahod mo tama lang na pangsuporta sa pamilya.

“Pero masaya kasi nga kasama mo yung pamilya mo.

“Dito, ok naman yung sinasahod namin, ‘yun nga lang, medyo nagtitiis dahil nga malayo sa pamilya.

“‘Yun yung realidad ng isang OFW,”  pahayag niya.

Sa panahon ng kalungkutan ay modernong teknolohiya ang naging kakampi ni Von upang hindi niya gaanong indahin ang sakit ng pagiging malayo sa kanyang asawa at sa anak na iniwan nang ito ay pitong buwang sanggol pa lamang.

“Sa panahon ngayon, marami nang teknolohiya gaya ng telepono, andiyan yung internet.
“Sa isang araw apat na beses akong tumatawag sa pamilya ko.

“Tapos pag day-off, nag-cha-chat para lang makita sila, para makalimutan ‘yung kalungkutan.

“May anak ako, isa, three years old. Iniwan ko siya 7 months pa lang, medyo hindi niya ako gaanong kilala nung unang dating ko.

“Pero yun nga, komunikasyon ay mahalaga, ‘yun ang kailangan para hindi makalimot ang isang tao,” dagdag na salaysay niya.

Sa paglayo at pangingibang bayan ng ating mga makabagong bayani ay iisa lamang ang kanilang minimithi at iyon ay ang mabigyan ng maginhawang buhay ang kanilang mga pamilya.

“Ang plano ko lang naman is simpleng buhay lang naming pamilya, matulungan ko yung mga kapatid ko rin na gusto kong umunlad rin kahit papaano.

“Mga magulang ko, huminto na sa pagtatrabaho para naman kahit papaano ay maranasan din nila yung buhay na andiyan lang at hindi na nagtatrabaho para sa mga kapatid ko,”  dagdag na salaysay ni Von.

Masasabing isang sakripisyo ang ginagawa ng ating mga ka-babayang OFW sapagkat sinusu-ong nila ang lungkot at takot na bunga ng paninirahan sa mala-yong lugar.

Isinasakripisyo ang kanilang sariling kaligayahan upang mapagaan at mapaginhawa ang kinabukasan ng kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Sa kanilang pananatili roon at pagsasakripisyo, nawa ay huwag nating hayaang masayang ang kanilang ginagawa.

Sa ating munting mga paraan ay ipakita at iparamdam natin sa kanila na tayo ay kasangga at katuwang nila sa kanilang pagpapagal at ito’y hindi natin hahayaang mawalan ng halaga at makalimutan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply