Kaso ng dengue sa Metro Manila ngayong taon halos 25,000 na

NAKAPAGTALA na ang Department of Health (DOH) nang halos 25,000 dengue cases sa Metro Manila ngayong taon.

Batay sa ulat ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), kinumpirma ni Center for Health Development-Metro Manila (CHD-MM) Regional Director Eduardo Janairo na mula Enero 1 hanggang Nobyembre 10, 2011 ay nakapagtala na sila ng kabuuang 24,898 dengue cases sa Metro Manila kung saan 136 ang kumpirmadong nasawi.

Mas mataas umano ito ng 11 porsiyento kumpara sa 22,492 dengue cases na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga dinapuan ng sakit ay mga lalaki at kabilang sa 0-15 years old (15,252 kaso na may 122 patay), 16-30 years old (7,893 kaso na may pitong patay), 31-45 years old (1,196 kaso na may limang patay), 46-60 years (394 kaso na may isang patay), 61-75 years (133 kaso na may isang patay) at mahigit 75 years old (30 kaso).

Kabilang sa 10 lungsod na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng sakit ay ang Quezon City (7,832), Manila (3,757), Caloocan (2,773), Valenzuela (1,491), Pasig (1,250), Paranaque (1100), Malabon (1,060), Taguig (774), Pasay City (728) at Muntinlupa (691).

Sinabi ni Janairo na bagamat nadagdagan ang kaso ng dengue ay pababa na ito ngayon at malaking tulong dito ang pagiging vigilante ng mga residente sa pag-uulat ng mga kaso ng sakit sa kanilang lugar.

Nabatid na ang pinakamaraming bilang ng sakit ay naitala noong Hulyo hanggang Setyembre ngunit inaasahan nang magpapatuloy ang pagbaba ng mga kaso ng dengue sa mga susunod na araw.

Nagpapasalamat si Janairo sa mga residente dahil sa pagsusumikap ng mga itong tulungan ang pamahalaan sa pagsugpo sa sakit.

Tiniyak ni Janairo na sa sandaling iulat sa kanila ng mga residente ang mga suspected dengue cases sa kanilang lugar ay kaagad nila itong ipabeberipika at aaksyunan sa pamamagitan nang pagsasagawa ng clean up drives, mosquito control (larviciding at space spraying) at information campaign para maiwasan ang malawakang pagkalat ng sakit sa komunidad. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply