Killer ni Fr. Tentorio naaresto na

NAHULI na ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hinihinalang pumaslang sa Italian missionary na si Father Fausto Tentorio.

Mismong si Justice Secretary Leila de Lima ang nagkumpirma nito at sinabi na sa Region 12 nahuli ang suspek.

Nakilala ang gunman na si Jimmy Ato, habang nagsilbing driver ng getaway motorcycle ang kapatid nito na si Robert. Ang dalawa ay pawang taga-Arakan, North Cotabato.

Ayon sa ulat, pinaputukan pa ng mga operatiba ng NBI si Robert nang tugisin ito.

Gayunman wala namang tinamaan ng bala sa tropa ng pamahalaan.

Dahil dito, humingi na ng tulong ang 57th Infrantry Battalion na magkasa ng checkpoint upang maiwasan ang paglala pa ng sitwasyon mula sa ganti ng pamilya ng mga suspek.

Si Jimmy ay inaresto kaugnay ng ibang kaso na may kinalaman sa umiiral na outstanding warrant of arrest na unang inisyu ng Cotabato City Regional Trial Court branch 13.

Magugunitang pinaslang ang Italyaong pari noong Oktubre 17, 2011 sa kanyang kumbento sa Arakan, North Cotabato.

Si Fr. Tentorio, 59-anyos ay nagsimulang manilbihan sa bansa noon pang 1978 at naging malapit sa kanyang puso ang mga kababayang Lumad sa Mindanao.

Samantala, ikinatuwa naman Malakanyang ang pagkadakip sa hinihinalang killer ng pari.

Inihayag ngayon ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na ito ay magandang development at maihaharap na sa batas ang suspek na matagal na ring pinaghahanap.

Ito rin aniya ay magsisilbing babala sa iba pang kriminal, na hindi sila titigilan ng mga awtoridad.

Iginiit din ni Valte na sa pag-upo ng administrasyong Aquino ay walang krimen na hindi matutuldukan at hindi pinapatagal ang pag-aresto sa mga kriminal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply